Wednesday, August 31, 2005

Ikaw ba'y nalolongkot at walang magawa, kundi magtala ng plate number?

August 31, 2005

Kahapon, tinawagan ko ang numerong ibinigay ko sa post na "If I can Change the World." Ipinagbigay alam sa akin ng babaeng nakasagot na iba na raw ang linyang puwedeng tawagan: 7361011 at 7361076. Tandaan mga peeps, dito na sa mga numerong ito maaaring iulat ang mga sasakyang "for official use only" na maaaring paghinalaang ginagamit para sa personal na kapakinabangan. Time to make a difference peeps.

Kung Kailang ang Guro naman ang Tinuruan, o ang Bodybuilding 101 ayon kay Allan


August 23, 2005

Nang makapagpasya kami ni Yol na magpalaki ng katawan, nagpasya rin kaming gawing regular ang pagbisita sa weights room ng Ateneo[1] para naman may makikitang resulta agad sa aming pangangatawan. Ang sabi namin, hindi kami magniningas kugon at gagawin namin ang lahat upang mag-“pumping iron” kada Martes at Huwebes. Kaya lang, dulot ng napakaraming gawain at mga mahalagang bagay na kailangang paghandaan kaysa magpalaki ng katawan, [2] matagal-tagal din kaming nabakante.

Matapos ang unang pagbisita namin sa weights room, nagkaroon ng ilang araw na naging regular nga ang aming punta. Nang mga sumunod na araw, nalaman na namin ang ilang mahalagang punto tungkol sa pagpapalaki ng katawan, gaya ng pangangailangan para sa warm up bago ang anumang ehersisyo,[3] gayon na rin ang mga pangunahing kalamnan na kailangang i-develop muna (dibdib, likod, abs at binti) bago ang iba pang muscle group, kabilang na ang ilang hakbang tungo sa pagdedevelop nga ng mga ito.[4] Alam na rin namin ang ilang exercise at ang paggamit sa ibang equipment sa weight room bukod pa sa barbell at dumbbell, dulot ng pagmamasid namin sa ilang estudyanteng naroon dati, gayon na rin ang pagtingin sa mga larawan ng mga bodybuilder kasama ang ilang panuto, na nakapaskil sa paligid ng kuwarto.

Masasabing kulang ang aming training noong mga unang araw dahil sadyang limitado lamang ang aming nalalaman tungkol sa pagsasanay. Nakapagbigay nga ng ilang mahalagang punto ang lalaking napagtanungan namin dati, ngunit sadyang kulang iyon kung ihahambing sa formal training na nararanasan ng iba sa ilang sikat na gym sa bansa, sa ilalim ng pangangasiwa ng kanilang professional fitness instructor. Bukod pa rito, wala kaming gaanong dalawang D at isang P (disiplina, dinero at panahon) upang sundin ang mahigpit na training regimen na kailangan sa pagpapalaki ng katawan, gayon na rin ang pag-obserba sa wastong diet at pag-inom ng kung anu-anong food supplement na sa pangalan pa lang na mahirap bigkasin, alam mo nang mahirap ding bilhin dulot ng mataas na presyo.

Higit sa lahat, may pagtitimpi ang aming pag-eensayo dulot na rin ng hiya. May kasabay kasi kaming mga estudyanteng nagsasanay rin kahit pa ang ipinaalam sa amin ng PE Dept, maaari lang kaming magpunta sa weights room sa mga oras na tapos na ang klase sa PE.[5] Hangga’t maaari, hindi namin ginagawa ang mga kilos ng mga estudyanteng kasabayan namin, baka kasi maparatangan kaming nanggagaya lamang at malaman nilang wala kaming gaanong alam. Medyo ilag din kami at baka may makasabay kaming estudyante namin at makitang mas mabigat pa ang kanilang binubuhat o mas mahirap pa ang kanilang ginagawang exercise kaysa kaya naming buhatin at gawin.

Sa katunayan nga, noong huling bumisita kami, nagkataong pumunta rin sa kuwarto ang mga miyembro yata ng cheering squad, kapwa lalaki at babae, at nagbuhat din ng mga barbell at dumbbell sa ilalim ng pangangasiwa ng isang lalaking aakalain mo wrestler sa kombinasyon ng tangkad at batu-batong pangangatawan. Dalawang lalaki sa grupo ang naging estudyante ko noong unang taon ko ng pagtuturo, at umiiwas akong makita nila ako. Paano ba naman, nakita ko silang nag-bench press ng barbell na medyo may kabigatan kaysa binuhat ko ilang sandali lamang ang nakararaan. So sa halip na mga braso ang pagtuunan ko ng pansin, tumungo muna ako sa isang aparatong pampalakas ng binti, iyong tipong nakaupo ka sa sahig at may itinataas na barbell ang mga binti, at nag-exercise. Walang anu-ano, habang isa-isang umalis ang mga bagong salta, tinapik ako sa balikat ng isa sa mga estudyanteng iniiwasan ko sabay sabing, “Sir.” Ayos.

Kahit pa paminsan-minsan pa rin kaming binabagabag ng hiya, nagpatuloy pa rin kami ni Yol sa pagpunta sa weights room. Wala kaming pakialam sa sasabihing o iisipin ng iba, bakit ba, eh sa gusto naming magpalaki ng katawan, may magagawa ba sila? Buti rin at dalawa kami, para kahit ano man ang mangyari, magkaramay kaming tatawa sa bandang huli.
Iba ang nangyari kanina lamang. Noong una, sobrang saya ko kasi ito ang unang pagkakataong makapagbubuhat uli kami ng bakal matapos ang mahaba-habang bakasyon dulot na rin ng pangangailangang pagtugon sa ilang kahingiang pang-iskolar. Bukod pa pala rito, may isa pang dahilan na dapat ikatuwa.

Pagpunta namin sa weights room, nakakandado ang pinto. Madilim din ang loob. Uh oh, una kong iniisip, mukhang mapupurnada pa ang lakad namin. Pumunta kami sa janitors’ quarters at nagtanong sa mga manong[6] doon kung puwede ba kaming gumamit ng kuwarto. Sabi nila, magpaalam daw muna kami sa PE Dept dahil naroon ang susi. Pumunta naman kami ni Yol. Pagdating namin doon, sinabi sa amin ng medyo matandang lalaking empleyado sa may pinto na sarado ang kuwarto dahil nagalit daw ang isang instructor. Pagpasok niya kasi kaninang umaga lamang, nakakalat ang mga gamit sa loob at hindi iniayos ng kung sino mang gago[7] ang nahuling gumamit. Ipinaliwanag ko namang hindi kami iyon, at nangako rin kaming kami ang bahalang mag-ayos sa silid bago kami umalis, total kami naman ang gagamit.

Naglakad muli kami papunta sa janitor’s quarters at ibinahagi sa kanila ang magandang balita. Noong una, ayaw nilang ipahiram ang susi dahil sa di-mabilang na kadahilanan. Medyo nag-iinit na rin ang ulo ko at ipinakita ko ang Faculty ID ko, sabay ulit na pinayagan na nga kami sa PE Dept. Umamin ang isang hindi nila alam kung nasaan ang susi dahil mga referee lang daw sila. Tangnang yan! [8] Kay haba ng paliwanag, hindi naman pala sila ang may kinalaman sa hinihingi namin.

Itinuro nila kami sa kabilang dulo ng covered court. Doon daw namin hanapin si Jong, ang may hawak ng susi.[9] Pumunta naman kami at ako ang kumausap sa mga janitor. May galit sa boses ng janitor sa may bungad na kumausap sa akin. Kung anu-ano ang pinagsasasabi. Ipinakita ko sa kanya ang Faculty ID ko habang nagpapaliwanag na responsible naman kami at ililigpit namin ang mga gamit pagkatapos namin. Biglang umamo ang kanyang boses, sabay sinabi kay Jong na iabot na sa amin ang susi. Putaragis! Hindi naman pala siya si Jong, akala mo kung sino!
Okay. So binuksan na namin ang pinto at nag-jogging at kung anu-ano pang warm up exercise ang ginawa namin dahil kami lang naman ang nasa kuwarto. Bakit kami mahihiya, di ba? Ikinandado rin namin ang pinto, batay sa bilin ni Jong na huwag na kaming magpapasok pa ng ibang tao. Siyempre hypermasculinity to the max kami tutal kami lang naman ang tao. Ginawa ko ang ilang moves na nabasa ko sa Men’s Health na binili ko for the sole reason of what it proclaims on the cover: “Build a Better Body in Just 4 Weeks!” [10] Bago rin mag-exercise, uminom ako ng Mega Mass.©

Mga alas-5:30 na iyon ng hapon nang walang anu-ano, may sumigaw ng pangalan ko mula sa labas. Medyo malayo ako mula sa bintana at tinanggal ko ang salamin ko kaya di ko agad nakilala kung sino. Si Allan pala, ang katulong ni Ate Mel bilang sekretarya sa Kagawaran ng Filipino.[11] Bigla kong naalala, isa pala siya sa mga niyaya naming sumali sa aming hypermasculinity routine kada Martes at Huwebes.

Pinapasok namin si Allan at sabay-sabay kaming nagbuhat ng bakal. Naunang huminto si Yol at tiningnan ang mga chart na nakapaskil sa isang bahagi ng silid. Ako naman, hindi pa sumusuko. Pilit akong nakipagsabayan kay Allan. Bakit ako padadaig, di ba? Di-kalaunan, huminto na rin ako at sinamahan si Yol sa katititig sa mga chart. Nagbulungan kami tungkol sa ginagawa ni Allan. Putaragis, kay lalaking barbell ng pinagbububuhat! Eh di siyempre nasapawan kami, at alam naman namin iyon. Sabi ko, pagkakataon na iyon para magpaturo sa kanya ng mga wastong ehersisyo.

Sinagot naman ni Allan ang mga tanong namin. Ipinakita rin niya kung paano gamitin ang mga aparatong hindi na nga namin alam ang pangalan, hindi pa namin alam kung para saan. Umalis si Yol upang umidlip, gisingin na lang daw namin siya kapag tapos na kami ni Allan mag-exercise.

Nagpatuloy ang konsultasyon ko kay Allan. Sinagot naman niya ang mga tanong ko, at ipinakita rin ang mga dapat kong gawin sa pagpapalapad ng dibdib. Ito kasi, sabi ko sa kanya, ang gusto kong pagtuunan muna ng pansin, bago ang abs. Nagpayo rin siyang maaaring pagsabayin ang chest, biceps at triceps exercise. Bukod pa rito, nagpayo siya sa mga dapat kainin at ang mga dapat iwasan.

Umalis kami mga alas-6 na ng gabi. Habang naglalakad kami pabalik sa Department, ikinuwento ko kay Yol ang mga bagong bagay na natutuhan ko kay Allan. Nagbiro si Yol na malamang pag-uwi ni Allan, agad niyang ikukuwento sa kanyang ina ang kanyang ginawang pagtuturo sa amin ng wastong pag-eehersisyo. Na kesyo mga guro pa kaming tinagurian, pero pagdating sa weight training, siya ang hari.

Posible, sabi ko na lang sa sarili ko. Naisip ko ring huwag na siyang anyayahan pa sa mga susunod naming pag-eehersisyo ni Yol, tutal naibahagi na naman niya sa amin ang ilang bagay na dapat naming matutuhan. Sa tingin ko, sapat na iyon.

Talababa:
[1] Libre kasi ang paggamit nito kapag faculty ka
[2] Kabilang na rito ang paghahanda para sa Sawikaan 2005 National Conference.
[3] Noong una, hindi kami nag-warm up. Pagkatapos ng workout hanggang sa mga sumunod na araw, para kaming paraplegic, na hindi mapakinabangan ang aming buong katawan dahil sa sakit.
[4] Itinuro ito sa amin ng isang lalaking nakasabay naming mag-ensayo sa weights room, na ayon kay Yol, naroon na dati pa noong nag-aaral pa lamang siya. Noong una, bossy ang dating niya at medyo mataas ang boses nang utusan niya kaming magbihis, gayon na rin ang pagtuturo sa kung saan kami dapat magpalit ng damit. Nang malamang mga guro kami, naging more than willing siyang magpayo at magpakita ng mga wastong paraan ng pagbubuhat ng bakal.
[5] Iyon naman pala, pumupunta lang ang ilang estudyante sa weights room para rin mag-exercise, kahit pa hindi weight training ang kanilang PE, o di kaya’y hindi iskedyul ng kanilang klase sa PE.
[6] Manong ang tawag ko sa mga janitor o security guard na nakikita o nakakausap ko. Ito ang itinuturing kong tawag ng paggalang sa kanila.
[7] Sa paggamit ko ng salitang ito, tiyak magkokomento na naman si Yol na ang writing style ko ay gaya ng kay Mon Tulfo.
[8] Ibid.
[9] Sa puntong ito, daig pa namin ang mga basketball na idinidribol at pinagpapasa-pasahan ng mga manlalarong nasa covered court noong mga panahong iyon.
[10] Men’s Health, Philippine Edition. June 2005.
[11] Nagpapalaki rin siya ng katawan, gaya ng co-faculty naming si Ariel at si Egay [Edgar]. Si Allan din ang dahilan kung bakit napabili ako ng Mega Mass.© Naging kapuna-puna kasi para sa ilan naming co-faculty na lumolobo ang mga muscle sa kanyang katawan. Siyempre nainggit ako kaya nagtanong ako sa kanya kung ano ang kanyang ginagawa at iniinom para makapagpalaki ng katawan.

Tuesday, August 30, 2005

If I can Change the World...

August 26, 2005

“All that’s necessary for evil to prevail is for good people to do nothing.” - Edmund Burke

Pagkagising kaninang umaga, narinig ko sa DZBB ang panayam ni Mike Enriquez sa isang lalaking opisyal tungkol sa pagtatalaga ni PGMA ng “enercops,” o mga energy police na magsasagawa ng mga surprise inspection sa mga opisina ng mga sangay ng pamahalaan. Isasagawa ito upang matiyak na sumusunod ang mga nasabing tanggapan sa ipinalabas na utos ng Malacañang tungkol sa pagtitipid sa paggamit ng kuryente at gasolina. Nakiusap din siya sa mga mamamayang makiisa sa nasabing panawagan ng Palasyo sa pamamagitan ng pagsusumbong sa di-wastong paggamit ng mga sasakyan ng pamahalaang for official use only ngunit ginagamit para sa personal na kapakinabangan. Maaaring tumawag sa 7361177 upang maiulat ang mga sasakyang may pulang plaka na ginagamit sa araw at oras na labas sa karaniwang pagpasok sa opisina ng mga kawani ng gobyerno, gayon na rin ang pagbibiyahe ng mga nasabing sasakyan sa labas ng distritong nakasulat naman mismo sa katawan ng sasakyan.

Nakasulat sa ibaba ang sipi mula sa ulat ni Christine Avendaño (“Gov’t deploys ‘enercops’") na lumabas sa isyu ngayon ng Philippine Daily Inquirer:

Travel restrictions have also been imposed on the government’s fleet of 74,000 vehicles, which will have to start using gasoline or diesel mixed with ethanol or other renewable fuel additives.

Offices were asked to come up with a monthly fuel consumption report and records of daily entry and dispatch of service vehicles to prevent their illegal use for personal errands.

In addition, drivers have been banned from idling their vehicles in their parking lots and government agencies will be required to record the fuel consumption of all vehicles in their fleets.

[Department of Interior and Local Government] Secretary Angelo Reyes has directed all local government officials to strictly follow the clause (“For official use only”) painted on the sides of many government vehicles.

Mga peeps, pagkakataon na ito upang makagawa ng mga tiyak na hakbang bilang tugon sa kahingian ng panahon, nang sa gayo’y hindi tayo angal nang angal ngunit wala namang ginagawang hakbang. Marahil may punto ang kaibigan kong si Raymond tungkol sa komento niyang may mga pagkakataon talagang ginagamit ang mga sasakyang panggobyerno sa araw o oras na labas sa itinakdang iskedyul subalit maituturing na official business pa rin ang gamit, ngunit tayo naman bilang mamamayan ay hindi nakatitiyak kung ganito nga ang kaso para sa lahat ng GV (government vehicles) na makikita nating bumibiyahe ng Sabado o Linggo, sa oras na lampas sa alas-5 ng hapon. Ang mabuti pa, itala natin ang lahat ng ating makikita at tawagan ang numerong ibinigay ko sa itaas, dahil sila naman na ang bahalang mag-imbestiga kung ginamit nga nang wasto ang mga sasakyang iuulat natin.

Wakasan na ang panahon ng pagwawalang bahala, panahon na upang kumilos. Huwag nating hayaang may mga taong patuloy na inaabuso ang kanilang puwesto sa pamahalaan habang karamihan naman sa mga Filipino ang naghihirap.

“All that’s necessary for evil to prevail is for good people to do nothing.”
- Edmund Burke

Thursday, August 25, 2005

MGA *&^%$# PASAWAY!


Agosto 19, 2005

Mga Pasaway!

Nakatala sa ibaba ang ilang plate number ng mga sasakyang nakapagpapadilim ng paningin (literally and figuratively) dulot ng makapal na usok na ibinubuga. Sinusundan naman ang mga ito ng plate number ng mga sasakyang pampamahalaan lamang dapat ang gamit, ngunit pinakikinabangan ng makakapal ang mukha para sa kanilang pansariling interes.

Mga sasakyang nagbubuga ng maitim at makapal na usok:

TVW 598 ZAP 744 DGN 514
TWE 597 CVH 554 PXH 114
PVA 961 TVY 150 NNY 734
TWK 549 NYF 503 NYK 530
TWD 702 PWJ 897
PWY 652 DWW 674
PWV 795 DWE 281
TVM 927 PXR 722
TVT 390 NYU 143
PXE 380 DWL 492
CVS 394 WKZ 491
DJV 210 PXF 962
TVS 513 RCT 230
PWY 880 PVA 352
TVM 156 DKN 391

Mga sasakyang “for official use only” subalit ginamit ng mga makapal ang mukha para sa pansariling interes:

SGZ 234 (dilaw na multicab ng Quezon City Hall, nakaparada sa Fairview Center Mall mga alas- 4 ng hapon)

SDX 393 (puting Mitsubishi Lancer, nakaparada sa Fairview Center Mall mga bandang alas-5 ng hapon)

SGH 911 (puting Toyota Hi-ace na bumibiyahe sa kahabaan ng Buendia mga alas 5:45 ng hapon)

Magtipid, ayon sa gobyerno (II)

August 15, 2005

(Continuation)

Ang entry na ito ay tungkol pa rin sa panukala ng pamahalaan tungkol sa pagtitipid sa pagkonsumo ng enerhiya ng mga mamamayan.

Marahil hindi lamang ako ang punding-pundi nang patuloy na nakakikita ng mga red-plated na sasakyang ginagamit para sa personal na kapakinabangan. Ilang taon na ang nakalilipas, may ilang ganitong uri ng sasakyan pa nga ang namataang nakaparada sa isang sikat na nightclub sa Quezon City.

Kahit pa ipinalabas na ang Administrative Order (AO) 110 noong Oktubre, talamak pa ring makikita ang mga sasakyang “for official use only” lamang ang gamit sana, ideally, na tumatakbo sa mga lugar na hindi na sakop ng distrito o lungsod ng pamahalaang lokal na nakatatak sa sasakyan (halimbawa, ilang beses na akong nakakikita ng mga dilaw na multicab ng pamahalaan ng Quezon City sa kahabaan ng Imelda Avenue…) sa araw at oras na hindi na sakop ng mga itinakdang araw at oras ng pagpasok para sa mga kawani ng gobyerno (halimbawa uli, may ilang ulit na rin akong nakakita ng mga sasakyang pula ang kulay ng plaka na ginagamit sa pamimili sa mga supermarket tuwing Sabado o Linggo, gayon na rin sa pagsundo at paghatid sa mga anak sa eskuwelahan).

Ang MMDA naman, bilang tugon sa panawagan ni PGMA sa mga mamamayan na maglakad o sumakay na lamang ng bike papunta sa opisina o eskuwelahan, ay naghain na ng plano sa pagbuo ng 200-kilometro ng pedestrian at bike lanes, na tinatayang aabot sa P362.5 milyon ang gastos para sa pagsesemento, pagpipinta at paglalagay ng mga signage sa mga lane na ito. At nananawagan ang pamahalaan ng tulong mula sa bayan, para sa pagtitipid… Oh yes. (Siyangapala, ipinahayag na ni PGMA ang panukala umano ng kanyang mga budget official na magkaroon ang pamahalaan ng isang “fiscally responsible budget” to the tune of… P1 trillion sa susunod na taon! Anong krisis krisis? Tayong mga karaniwang Filipino lang naman ang nakararamdam niyan. Para sa mga buwaya sa pamahalaan, happy days are here again!)

Sana bago ito isakatuparan ng MMDA, matugunan muna ang problema ng air pollution sa bansa. Kahit pa may mga itatakdang secondary road bilang pedestrian at bike lanes, bihira itong gagamitin ng mamamayan kung hindi naman ito makapagdudulot ng pagtitipid, sa halip, gastos pa ang maaaring matamo ng mga tao, pangunahin na sa pagpapagamot dahil sa polusyon sa lunsod. Sa halip na maging mabuti para sa kalusugan ang paglalakad o paggamit ng bike, gaya ng ipinangangalandakan ng mga proponent ng nasabing hakbang, mas masama pa ito at maituturing na katumbas ng pagpapakamatay. Sa katunayan, mas madali pa ngang kumuha na lang ng lubid, blade o kutsilyo upang gamitin sa pagpapakatiwakal, kaysa lumanghap ng maruming hangin at magdusa sa loob ng mahabang panahon dulot ng sakit sa baga.

Kaugnay ng mga nabanggit ko, nakikiusap din ako sa mga makababasa nito na gawin nawa natin ang ating tungkulin bilang mga mamamayan. Maaaring hindi tayo pare-pareho ng pinaniniwalaan kung political affiliation ang pag-uusapan, ngunit wala namang masama kung gagawa tayo ng mga tiyak na hakbang upang mabigyang lunas ang mga problema natin. Mahirap nang umasa na lang tayo sa mga isip-batang “lider” umano ng Pilipinas na wala namang ibang ginawa kundi mag-away-away matamo lamang kung ano ang para sa kanilang pansariling interes. Maaari nating simulan sa pagtatala ng mga plate number ng mga sasakyang may ginagawang paglabag, gaya ng mga smoke belcher gayon na rin ang mga sasakyang panggobyerno na ginagamit sa pansariling kapakinabangan. Kung hindi rin gaanong hassle, isama na ang oras, petsa at lugar kung saan at kailan makikita ang mga nabanggit na sasakyan. Matapos makapagtala ng mga plaka, sama-sama nating ipasa ito sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng mga pamahalaang lokal, LTFRB, LTO at lalo na ang DENR para sa mga lumalabag sa Clean Air Act. At nang sabihin kong “tayo,” ibig sabihin samahang niyo AKO. Kamakailan lamang, sinimulan ko itong gawin. Iniipon ko ang mga naitala ko na at pagkatapos ay ipadadala na sa mga kinauukulan. Huwag nating isiping babalewalain lang naman ang ating mga reklamo; subukin muna natin. Ang mahalaga, hindi lang tayo reklamo nang reklamo, kundi kumikilos din naman. Simulan natin ang pagbabago sa ating mga sarili, pangunahin na sa pagiging mulat at malay sa mga nangyayari sa kapaligiran, at gumawa ng mga tiyak na hakbang sa tuwing kinakailangan.

Magtipid, ayon sa gobyerno (I)


August 14, 2005

Dulot ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, nakiusap ang Palasyo sa mga mamamayan na magtipid sa paggamit ng kuryente at langis, upang mabawasan kahit paano ang pagkonsumo ng enerhiya. Ayon sa Malacañang, sila na mismo ang mangunguna sa pagbibigay ng halimbawa sa mga Filipino, sa pamamagitan ng pagpatay ng aircon at pagbabawas ng ilaw nang higit na maaga kaysa nakagawian.

Kasama ng pagbibigay halimbawang ito ang pakiusap ni PGMA na pagsunod ng mga ahensiya ng gobyerno sa Administrative Order 110, na inilabas noong Oktubre 2004 pa. Nakasaad dito ang pagbabawas sa buwanang konsumo ng kuryente ng mga ahensiya ng pamahalaan, sa loob ng tatlong taon simula ng Enero ng 2005, pagbili at paggamit ng mga sasakyan at appliance na energy efficient at paggamit ng alternative fuels. Bukod pa rito, idinagdag pa ng Pangulong baka puwede na ring sumakay na lang ng bike ang mga manggagawa papasok sa kanilang mga opisina, gaya raw ng sa China, at ang pagkakaroon ng carpool ng mga estudyanteng may sasakyan.

Yes, peeps, you read it right. Nakikiusap ang pangulo kung puwede na lang mag-bike ang mga Filipino patungo sa kanilang pupuntahan, o di kaya’y maglakad na lamang kung kaya namang lakarin ang layo.

Sa kanyang panawagan, mahahalatang hindi malay ang ating pangulo sa pang-araw araw na realidad nating mga karaniwang Filipino, dulot ng kanyang pananatili sa kanyang tanggapang de-aircon o di naman kaya’y paglalakbay lulan ng presidential car na aircon din naman. Mag-bike o maglakad papunta sa opisina o eskuwela, sa Pilipinas? Parang may mali yata. Bukod sa mga sasakyang tila mauubusan ng daan kung makipag-unahan sa isa’t isa, sadyang kay rumi ng hangin sa lungsod para hilingin sa mga Filipino na gawin nga ang mga ito. Marahil hindi pa nasusubok ni Madame Gloria ang sumakay sa dyip o bus na ordinary fare upang matikman niya naman ang hangin sa Metro, at hindi lang ang purified at airconditioned na hangin ng kanyang sasakyan at tanggapan.

Para siyang mga opisyal ng LTFRB, na nagtatakda ng mga pasaheng may butal na 35, 45, 55, 65, 85 at 95 sentimos na tila laganap pa ang paggamit ng singko at diyes sentimos sa kasalukuyan. O di naman kaya’y mga may-ari ng naglalakihang malls, na kung hindi 75 sentimos ang itinatakdang butal sa price tag ng mga bilihin, kadalasan ding gumagamit ng 95 sentimos na butal. Alryt sa astig.

Nakatatawang iminumungkahi ng pamahalaan ang mga nabanggit na hakbang na para bang hindi naglabas ang WHO ng resulta ng kanilang ginawang pag-aaral ilang buwan na ang nakararaan, na nagsasaad na sadyang ubod ng taas ng lebel ng polusyon sa hangin ng Metro Manila, higit pa sa maituturing na “tolerable level” ng polusyon. May himala kayang naganap at bumabang bigla, kung hindi man tuluyang nawala, ang nabanggit na air pollution? Para sa mga commuter gaya ko, tiyak mapapansing hindi naman ito nangyari, sa halip lalo pang lumala.

Nakapagtataka tuloy kung ano na ang nangyari sa Clean Air Act, na naisabatas noong panahon pa ni Estrada. May isinasagawa pang emission testing para sa aplikasyon ng rehistro ng sasakyan, o di kaya’y sa renewal nito, pero kay rami pa ring bumibiyaheng sasakyan na tila laging may kabuntot na bagyo dulot ng maitim na usok na ibinubuga. Marahil totoo nga ang sabi-sabi ng ilang drayber, na sadyang pinagkakakitaan lamang ng gobyerno (sa pamamagitan ng registration fee…), o ng ilang kawani ng pamahalaan (…o kaya’y mga bayad na “under the table” o suhol upang makalusot ang sasakyang nagbubuga ng makapal na usok), ang nasabing gawain.

Bukod sa Clean Air Act, dapat din magkaroon ng batas tungkol sa pagbili ng mga sasakyang 2nd hand mula sa ibang bansa, gaya ng mga trak at bus. Itinatapon na ng ibang bansa, tayo pa ang sumasalo at gumagamit. Nakatitipid nga ang mga namumuhunan, kawawa naman ang mamamayan.

Paging DENR Secretary Mike Defensor. Kung tama ang pagkakaalala ko, tungkulin ng DENR Secretary ang pamunuan ang sangay ng pamahalaang may kinalaman sa PAGTATANGGOL SA KALIKASAN. Ang ginagawa kasi ni Defensor ngayon, IPINAGTATANGGOL LAMANG SI GMA mula sa mga kaaway nito sa oposisyon. Ang huling ginawa yata ni Defensor para sa kalikasan ay noong nagkaroon ng matitinding pagbaha sa bansa noong nakaraang Disyembre hanggang mga unang bahagi ng taong kasalukuyan. Dahil sa nasabing trahedya, nagkaroon ng masigabong kampanya laban sa ilegal na pagtotroso. Ewan ko lang kung ano na ang nangyari rito ngayon, kung napagtutuunan pa ng pansin ang nasabing hakbang.

Ngayon, sa tuwing nakikita o naririnig si Defensor sa media, wala nang ibang laman ang kanyang mga pahayag kundi papuri o pagtatanggol kay PGMA. Sa katunayan, kamakailan lamang ay to the rescue na naman ni Madame Gloria si Defensor nang maghain ito ng ebidensiya umano na dinoktor ang kontrobersiyal na “Hello Garci” tape. Wala man lamang malinaw na programang inihahain si Defensor tungkol sa mga nais niyang ipatupad tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalikasan sa bansa. Sana naman sa mga darating na araw, hindi na lamang si GMA ang kanyang ipaglalaban, kundi ang ating kalikasang lubhang nangangailangan ng pansin mula sa mga kinauukulan.

(To be continued)

Wednesday, August 24, 2005

CROSSINGS

Isang tula para sa aking pumanaw na lola, inilagay ko rito bilang paggunita sa ikatlong anibersaryo ng kanyang paglisan.

Nanay, you were never good
at keeping promises.
i remember it clearly,
that day when i was three
back in nursery:
at 11 am, you took me to school,
and said you would go home first
then return later.
of course i shook my head in
disapproval
fearing you’d never come back for me.
imprisoned in my tight embrace
your shirt wet with my tears,
you agreed to wait for dismissal
so we can go home-- together.
of course i knew otherwise;
a few minutes passed, i looked out
the window
and saw your absence.
you have just crossed the street,
and I ran after you
vision blurred with tears
never giving a thought about the hazards.
though you and mrs. masangkay got mad at me,
i didn’t care.
at least i was able to bring you back.
sixteen years later Nanay, you’re still
never good at keeping promises.
you said you’d wait for the day
i graduate,
see me off to work
everyday,
then we’ll go out on a date
on my first salary day.
but Nanay, you are about to make
that one final Crossing,
and i, your beloved apo, no matter
how i’ve grown,
have no power
to bring you
back. (03182002)

Monday, August 22, 2005

Hindi lamang sopas ang mainit, kundi pati ang ulo ko


August 20, 2005

Kagabi, iniabot sa akin ni Jenny, ang bunso kong kapatid, ang class picture ng section ko dati noong grade five ako sa Sto. Niño Parochial School (SNPS).[1] Tawa ako nang tawa nang makita ko ang aming mga hitsura: mga totoy at neneng na tila wala pang nalalaman tungkol sa mundo.[2] Nakita ko ring muli ang aking mga dating crush, gayon na rin ang mga dating kaklase at kaibigang may kanya-kanya na ring trabaho ngayon. Nanumbalik ang alaala ng kabataan, lalo na ang mga asaran, tuksuhan, at kadalasang sakitan, na bahagi naman yata ng elementary experience.

Kupas man ang larawan, matingkad pa rin sa gunita ang mga taong makikita sa larawan, kahit pa hindi ko na maaalala ang kanilang mga pangalan. Naroon ang dalawa kong kaibigang lalaki na ayaw ni Nanay,[3] dahil mukha raw suwitik, at mukhang puro kalokohan lang ang ituturo sa akin. Nakita kong muli ang negro kong kaklase, na karibal ko dati sa pansin ng aking crush.[4] Hindi rin mawawala sa picture ang mga anak at pamangkin ng mga guro, na hindi naman nakapagtatakang laging kasama sa top 10 ng klase kada quarter o sa pagtatapos ng taon, gayundin ang inaanak ng principal na mayroon ding mga pribilehiyong nakukuha, lalo na pagdating sa asaran: sa tuwing inaasar siya, iiyak siya’t sasabihing “isusumbong kita sa ninang ko!”

Kumpleto rin ang mga kasama ko sa “ice candy gang,” kaming mga estudyanteng pagkatapos kumain ng baon tuwing recess ay bumibili ng, well, ice candy mula sa canteen, pagkatapos ay maglalaro ng habulan o taguan. Naalala ko ang isang beses na naglalaro pa rin kami kahit pa tumunog na ang bell, ang hudyat na tapos na ang recess. Habang nagtatakbuhan kami sa school ground, isa-isa kaming hinabol ng mga lalaking guro pagkatapos ay pinagalitan. Pinagalitan kami dahil tapos na raw ang recess, pero mas pinili pa namin ang maglaro kaysa dumalo sa klase. Matagal ang kanilang ginawang panenermon kaya ayun, tapos na rin ang subject pagkabalik namin sa klase.

Siyempre, hindi kumpleto ang paggunita sa kabataan nang hindi naaalala ang mga guro. Sa nasabing class picture, Siyempre laging kasama ang class adviser. Adviser ko dati si Mrs. N_____o, na napabalitang tumatanggap dati ng “lagay” mula sa isa sa mga kaklase naming kahit anong kalokohan pa ang gawin, hindi nawawala sa cream section o section A,[5] kahit din ubod ng baba ang kanyang mga marka. Napatunayan ko ito nang minsang isinama ako ng nabanggit na kaklase sa pagkuha ng pera mula sa kanilang bahay, tapos tumuloy kami sa bahay ni Ma’am at iniabot niya ang perang nakalagay sa sobre. Nang tanungin ko siya kung para saan iyon, sabi lang niya bayad sa utang niya kay Ma’am. Nakapagtatakang sa tuwing nagpapadala ng pera ang kanyang inang nagtatrabaho sa ibang bansa, lagi siyang may “binabayarang” utang kay Ma’am. Hmmm…

Sa class picture, katabi ni Ma’am si Mrs. C_______a, ang teacher namin dati sa Home Economics and Livelihood Education (HELE). Sa klase namin, wala na siyang ginawa kundi magbasa ng mga leksiyong matatagpuan mismo sa teksbuk, kaya ang bawat pagkikita ay tila Reading class, na ibang subject sana at ibang guro ang humahawak. Bukod pa rito, ipinakokopya niya rin sa amin ang mga nasabing leksiyon mula sa libro sa aming mga notebook, na tila kami pa ang mga pari noong Dark Ages na kinailangang isulat kamay ang lahat ng mga aklat na nalabi mula sa paninira ng mga barbaro. Yes, ipinasulat niya sa amin chapter by chapter ang lahat ng impormasyong nasa libro naman sana. Upang matiyak na “nagsusulat” nga kami ng “lecture notes,” laging sorpresa ang kanyang mga isinasagawang pag-check ng mga notebook. Yari ka kapag kulang ang notes mo, tiyak may bawas sa grade.

Buti sana kung ito lang ang naaalala ko sa kanya, pero mayroon pang mas malubha. Bilang bahagi ng subject na HELE, kinakailangan din naming mag-aral kung paano magluto at magtinda.[6] Kaugnay nito, pinagdala dati ang aming grupo ng mga sangkap para sa pagluluto ng sopas. Siyempre, itinakda na ng aming lider kung sino ang magdadala ng ano. Kung tama ang pagkakaalala ko, repolyo yata o gatas ang naitoka sa akin.

Nang oras na ng aming subject, nagpunta kami sa kusina ng paaralan at nagsimula nang maghanda para sa pagluluto. Kami ang gumawa ng lahat, mula sa paghahanda ng mga sangkap hanggang sa mismong pagluluto ng sopas. Binantayan naman kami nang maigi ni Ma’am.[7] Pagkaluto sa aming obra, siyempre tinikman namin ang aming gawa, at nakisalo naman si Ma’am. Okay, tapos na ang unang bahagi. Pinaalalahanan niya kaming huwag ubusin ang aming iniluto sapagkat ititinda pa namin ito sa ibang estudyante.[8] Kahit bitin pa kami, wala na kaming nagawa kaya kumuha na lang kami ng mga mangkok mula sa lalagyan, upang malagyan na ng sopas na ibebenta sa iba.

Pagtunog ng bell, agarang nagsilabas na ng silid ang mga estudyante. Dahil nasa ground floor ang canteen at nasa fourth floor naman ang kusina, minarapat na lang ng mga grade four, five at six[9] na sa kusina tumuloy, dahil nasa fifth floor ito at sadyang malapit sa kanilang mga classroom, kaysa nga naman bababa pa sila sa canteen na tiyak nag-uumapaw sa tao dahil sabay-sabay ang lahat ng recess ng mga grade level.

Mababa marahil ang sales ng canteen nang araw na iyon, dahil maraming estudyante ang tumangkilik sa aming tinda. Masaya kami, oo, dahil tiyak mataas ang grade namin dahil sa dami ng customer, kahit pa nananakam kami dahil bitin ang aming kinain. Pero okay lang sa amin iyon, dahil bukod sa grade, tiyak malaki ang aming benta at malaki rin ang aming mapaghahatian pagkatapos ng klase!

Saktong-sakto sa pagkaubos ng aming tinda ang pagtunog ng bell. Kung gaanong kay bilis napuno ng tao ang kusina, ganoon din sila kabilis nawala. Matapos mailagay ang mga mangkok sa lababo upang mahugasan na, bigla kaming pinabalik sa classroom ni Ma’am, dahil may susunod pa kaming subject. Siya na raw ang bahala sa lahat. Nang sabihin niyang “lahat,” kabilang pala roon ang pagtatago ng aming kita! Iniwan namin siyang nagbibilang ng aming napagbentahan.

Hindi ako mapalagay pagbalik sa kuwarto. Sabi ko parang may mali. Kada subject na sumunod, nagme-“may I go out” ako upang hanapin si Ma’am. Hindi ko siya nakita. Kinausap ko ang aming lider, nagpapasama ako upang makuha namin ang napagbentahan at nang sa gayo’y maibigay man lang namin sa aming mga magulang bilang bayad sa kanilang pagbili ng mga sangkap na aming dinala. Ayaw niya, sabi niya hayaan na lang daw. Dismayado akong umalis muli upang hanapin si Ma’am at ipaglaban ang sa amin naman talaga dapat.

Nakita ko si Ma’am sa faculty room, kasama niya ang ilang guro na kumakain ng aming mga proyektong ipinasa dati, ang mga “preserved fruits.” Mula sa bintana ng kuwarto, kitang-kita ko silang sarap na sarap sa pagkain ng aming proyekto, gayon na rin sa paghahati-hati ng mga proyekto rin naming daing na bangus at paglalagay ng mga ito sa iba’t ibang plastik, marahil upang iuwi pagkatapos ng klase. Dati, naka-display sa aparador ang mga nasabing proyekto, sapagkat itinanghal nila ang mga ito nang minsang may bumisitang mga opisyales sa SNPS. Masaya rin silang nagkukuwentuhan habang ginagawa ang mga ito.

Umiling-iling na lamang akong umalis.


[1] Nasa Bukidnon St., Bago Bantay Quezon City. Kadalasang ginagamit ang “SM North EDSA” o “SM West” bilang point of reference sa tuwing may magtatanong kung saan ang SNPS.
[2] Take note, ginamit ko ang salitang “tila”
[3] Ang pinakamamahal kong lola, na kahit grade six na ako, inihahatid at sinusundo pa rin ako sa eskuwelahan. Ang sweet niya ano?
[4] Hey, forgive the politically incorrect word. Karibal ko iyon dati eh, anong dapat kong sabihin?
[5] Mula kinder hanggang grade 6, lagi akong kabilang sa section A. Yabang!
[6] Bukod pa sa pag-aaral kung paano gumawa ng “preserved fruits” at ng daing na bangus.
[7] Posible ring hindi kapakanan namin ang kanyang inaalala, kundi ang tagal ng aming ginagawang paghahanda dahil gutom na siya.
[8] Ginawa niya ang paalala habang sumasalok ng mainit na sopas mula sa kaldero.
[9] Dati kasi, habang tumataas ang grade level mo, tumataas din ang bilang ng hakbang na dapat mong akyatin papunta sa klase. Ang grade 1, nasa first floor at ang grade six, following the scheme, ay siyempre sa sixth floor. Sumablay lang sa junior at senior kinder, dahil sa second floor ang mga klase.

Theory into Practice: The Sawikaan 2005 Experience (August 4-5)

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakadalo kami ni Yol sa isang pambansang kumperensiya, hindi bilang tagapanood at tagapakinig, kundi bilang panonoorin at pakikinggan. Oo, kapani-paniwala man o hindi, nagkaroon kami ng pagkakataong makapagsalita sa harap ng mga kasama namin sa pamayanan ng mga iskolar.

Agosto 4, unang araw ng kumperensiya. Una akong dumating sa UP, more specifically, sa Pulungang Recto ng Bulwagang Rizal. Nakakailang, wala akong makausap dahil wala naman akong kakilala. Matapos magpunta sa CR, nagsulat ako dahil nakaupo na sa tabi ng puwesto ko si Dr. Ruth Elynia Mabanglo, na kamakailan lang ay nagbigay ng panayam tungkol sa kanyang panulaan sa Ateneo, na kami ni Yol ang nag-organisa, ayon sa hiling ni Ma’am Beni. Nahiya ako at hindi ko siya kinausap, dahil baka hindi na niya ako kilala. Mabuti naman at nauna niya akong kinumusta, pagkatapos ay ipinakilala ako sa kanyang kasama, si Dr. Teresita Ramos. Ayos. This, my friends, is what I call networking.

Ilang minuto pa ay dumating na rin si Yol. Pinakinggan namin sina Ariel Borlongan, patnugot ng tabloid na Balita, Jim Libiran, ang News Director ng ABC 5 at dating Kapamilya, at ang walang kupas na si Tita Dely Magpayo, mula sa himpilan ng DZRH. Tinalakay nila ang papel ng media sa pagpapalaganap ng modernong Filipino. Sumunod ang malayang talakayan, bago ang pananghalian.

Matapos kumain, sumunod naman ang panayam ng tatlong banyagang kinatawan mula sa Malaysia (Zaine bin Oje), Asian Center (Shirley Sy) at Embahada ng Rusya (Vladimir Malyshev), tungkol sa kanilang karanasan sa “national language development” sa kani-kanilang mga bansa. Naunang nagsalita si Mr. Malyshev, at sa puntong ito, napansin kong hindi lang naman pala puro aral ang alam ng mga iskolar; marunong din pala silang matulog, lalo na kapag hindi naman nila gusto ang tinatalakay. Maski man ako ay ayaw nang sundin ng mga mata ko, tila may mga buhay silang nagnanais nang pumikit sa bawat salitang inuusal ni Malyshev. Bukod sa Ingles niyang mahirap intindihin at sa boses na tila ayaw niyang iparinig, kay hirap ituon ng atensiyon sa kanyang mga sinasabi dahil hindi naman pamilyar sa akin ang kanyang mga inilalahad, at nagiging self-reflexive na rin siya, sa pamamagitan ng pagtalakay na lamang tungkol sa karanasan ng kanyang pamilya! Sa halip na samahang ang aming mga kapwa iskolar sa pag-idlip, umalis na lang kami ni Yol upang paghandaan ang aming presentasyon kinabukasan. At least, may napulot naman ako mula kay Malyshev: ang salitang “rookie” pala ay hango sa salitang Ruso, at nangangahulugang “one who cannot use his hands properly.” Astig.

Kinagabihan, kinakabahan akong naghanda ng aking mga sasabihin para sa presentasyon. Siyempre naman, unang beses akong makapagsasalita sa harap ng nagkakatipong miyembro ng akademya. Walang puwang sa pagkakamali, mahirap na, dala-dala ko hindi lamang ang aking sariling pangalan, kundi maging ang institusyon na rin ng Ateneo. Mabigat na tungkulin ang maging kinatawan ng Pamantasan kaya kinakailangan talagang pagbutihin ang gagawin. Nagkaroon din ako ng LSS (nope, hindi Last Song Syndrome, kundi Last Sermon Syndrome) sa mga sinabi dati sa akin ni Ma’am Beni (Santos), na marunong mag-aruga ng tao ang Ateneo basta ba may ibinabalik na serbisyo sa institusyon.

Nang gabi ring iyon, kinukundisyon ko na ang aking sarili na MANANALO ako. Bukod sa papel kong sadyang pinaghandaan kahit pa kapos ako sa oras, kami lang yata ni Yol ang may PowerPoint presentation. Naniniwala rin kasi ako sa kasabihang “if a thing is worth doing, it’s worth doing right the first time around,” at pakiramdam ko ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para maging astig ang aking papel. Basta, pupunta ako sa kumperensiya sa susunod na araw upang MANALO. Hindi iyong premyo ang iniisip ko, no joke (okay, malaking tulong ang premyong P15k para sa aming dinaranas na paghihirap), kundi ang pagkakataong makapagbigay karangalan sa Ateneo, kasama na ang pansariling karangalang maidudulot ng pagkakaroon ng pagkakataong makapagsalita sa isang pambansang kumperensiya.

Bago pumunta sa UP kinabukasan, tumuloy muna ako sa Ateneo para ayusin ang ilang bagay tungkol sa aking presentasyon, at kunin na rin mula kay Yol ang kopya ng kanyang papel dahil ako ang pinakiusapan niyang magbasa. Hindi kasi siya makadadalo, dahil nataong unang araw iyon ng kanyang pagtuturo sa ilang estudyanteng Hapones na ninanais mag-aral ng wika at kulturang Filipino. Umalis ako mula sa Ateneo nang taas noo, at desididong MANALO.

Pagdating ko sa UP, tumuloy na ako sa Pulungang Recto at agarang umupo. Nakita kong nakaupo na si Vlad (Gonzales) sa may panel, dahil umaga ang iskedyul niya upang basahin ang kanyang papel tungkol sa “blog.” Nang makita niya ako, sumenyas siya’t pinaupo na rin ako sa panel.

Nang matapos ang unang sesyon, lalong tumindi ang kaba ko. Puro hebigats ang presentasyon: Bukod pa kay Vlad, nagbasa rin ng papel sina Dr. Joi Barrios (E-VAT) at Roberto Añonuevo (Huweteng). Pero kahit na, sabi ko sa sarili, mananalo ako.

Sinundan sila ng tatlo pang tagapagsalita, na nagbasa ng kanilang papel tungkol sa “Gandara,” “Caregiver,” at “Call Center.” Pagkatapos, nagkaroon ng malayang talakayan bago nagtanghalian.

Hindi ako nakakain nang maigi dahil kasama ako sa grupong magsasalita pagkatapos ng tanghalian. Hindi ko rin alam kung bakit, pero biglang nagbrownout sa di-malamang dahilan. Sabi ko, baka senyales iyon na hindi ako mananalo. Pero hindi, magtatagumpay pa rin ako dahil pinaghandaan ko ang papel ko.

Dumating sina Mama at Daddy ilang minuto bago ang susunod na sesyon, at kumain muna sila sa cafeteria habang hinihintay ang pagsisimula ng programa. Pagbalik nila, patapos nang magsalita si Dr. Patrick Flores tungkol sa “Pasaway.”

Habang binabasa ni Dr. Galileo Zafra, ang tagapagdaloy ng palatuntunan, ang ilang tala tungkol sa akin bilang pagpapakilala, lalong tumindi ang kaba ko, lalo na nang may ingay pa ring nagmumula sa hanay ng mga tagapakinig. Hindi ito nangyari noong naunang sesyon; tahimik ang lahat habang ipinakikilala ang mga tagapagsalita. Pinalakpakan din ang mga naunang nagbasa ng papel.

Pagkabanggit ng “Jelson Estrella Capilos,” wala man lamang akong narinig na palakpak mula sa mga kasama kong iskolar. Ang sumunod ay panandaliang katahimikan, tila ba nagtataka sila kung sino ako, at ano ang karapatan kong magbasa ng papel. Naputol ang pananahimik na ito ng palakpakan, na malaki ang kutob kong pinamunuan nina Mama. Buti na lang nandoon sila. Mahirap talaga kapag wala kang pangalan sa akademya, kumbaga, hindi mo pa naitataguyod ang iyong sarili bilang karapat-dapat na kasapi ng pamayanan ng mga iskolar. Bagito kumbaga, or virgin, if you may. Sa katunayan, nalaktawan ko ang isang talata sa papel, at kinailangan ko itong balikan muli sa pagbabasa. Alryt.

Tungkol sa “Networking” ang aking lahok, at sa aking papel, pinangatwiranan kong malawak ang saklaw ng salita sa buhay ng tao, pangunahin na sa pakikipag-ugnayan ng indibidwal sa kanyang kapwa. Kasabay ng aking pagbabasa ang pagpapakita ng slideshow presentation na nagbibigay linaw sa ilang kataga o paliwanag na maaaring hindi narinig ng mga dumalo at ng mga hurado. Sa lectern din ako nagsalita, sa halip na sa panel, dahil sabi ko gusto ko nang lubusin. Tutal, ito ang kauna-unahang kumperensiya na makapagsasalita ako, eh di dapat may impact. Para rin maganda ang mga litrato, kaya nga pinapunta ko sina Daddy eh, para makunan ako ng picture. He he. Iskolar ako e! : )

Noong meryenda, sinabi nina Mama na halata raw sa boses ko ang kaba. Sabi ko ganoon talaga, eh sa kabado naman talaga ako. Sa puntong ito, naipakilala ko sina Daddy kay Sir Mike at sa asawa niyang si Ma’am Jeanette. Ipinakilala naman sila ni Sir Mike kay Dr. Mario Miclat, ang Punong Katipon o Grand Convenor ng Filipinas Institute of Translation, Inc (FIT), ang isa sa mga nagtaguyod ng Sawikaan 2005.

Isinabay rin sa meryenda ang pagboto para sa Salita ng Taon 2005. Uh oh, parang may mali. Hindi gaya noong unang sesyon na nakapagpaliwanag na at nakasagot sa mga tanong ang mga tagapagsalita, hindi man lamang ako nabigyan ng pagkakataong ipaglaban ang aking lahok at pangatwiranan kung bakit ito ang dapat na ituring bilang salita ng taon. Pagbalik sa puwesto ko, may ilang bumati at nagsabing maganda raw ang ginawa kong presentasyon. Nagpasalamat naman ako, at natuwang may mga taong binigyang pansin ang presentasyon ko.

Matapos ang malayang talakayan, si Virgilo Almario ang bumanggit sa limang kalahok para sa Salita ng taong 2005, mga finalist ba. Napili ang “Huweteng,” “EVAT,” “Gandara” (huh?), “Pasaway” at “Tibak/T-Back.” Uh oh, hindi nabanggit ang lahok ko! Tinext ko agad si Yol tungkol sa masamang balita.

Pagkatapos ng palatuntunan, nakipagkamay ako sa mga kapwa ko iskolar, lalo na sa ilang taong responsible para sa Sawikaan, gaya nina Sir Rio Almario, Dr. Zafra at Dr. Joey Baquiran. Nagpaalam din ako sa mga taong nakilala ko sa loob ng dalawang araw, lalo na sa mga taong bumati sa ganda umano ng aking ginawang presentasyon.

Sa pagbabasa ng Sawikaan 2004 (bumili kasi si Yol ng librong ito noong Agosto 4, para pag-aralan ang estilo ng mga papel na inilahok noong nakaraang taon), kapansin-pansin namang talagang wala kaming binatbat ni Yol. Paano ba naman, sa nakaraang Sawikaan, ang “Canvas” ni Dr. Randy David ang napiling Salita ng Taong 2004, at isa sa mga karangalang banggit ang lahok ni Ate Glow, tinalo pa ang “Dating” ni Dr. Bienvenido Lumbera! Doon pa lamang, makikitang umiiral din ang isyu ng popularidad sa nasabing patimpalak.

Bukod pa rito, sadyang mabigat ang mga lahok namin dahil sa mga teoryang ginamit. Sa ibang lahok noong nakaraang taon gayon din sa Sawikaan 2005, kapansin-pansing ang tuon ng paliwanag ay sa katuturan ng salita sa konteksto ng Pilipinas, gamit ang payak na pananalita. Kami ni Yol, may nalalaman pang “Foucault,” “cybersociety” at “surveillance society.” Talagang wala kaming tsansang manalo sa timpalak kung saan may mga gurong
Essentialist at naghahanap ng mga sikat na taong ipinangako raw ng FIT na dadalo ngunit hindi naman sumipot. (Yep, totoo yan. May isang gurong naghanap kina Noli de Castro, Arnold Clavio at Lito Lapid, na binanggit daw ng mga organizer na dadalo sa Sawikaan. Nangako raw kasi siya sa kanyang mga kapwa guro na magpapakuha siya ng larawan kasama ang mga personalidad na ito, at ididisplay raw nila sa kanilang paaralan. Ang concern niya, paano raw niya ipaliliwanag sa kanyang mga kasamang guro ang absence ng mga sikat na taong nabanggit. How… profound!)

Nanalo ang lahok ni Sir Bobby Añonuevo tungkol sa “Huweteng.” Mahaba man ang kanyang presentasyon, sadyang maganda ang kanyang papel at talagang pinagbuhusan ng panahon at atensiyon. No doubt, karapat dapat talagang ituring na salita ng taon. Hindi man ako nanalo, okey lang, dahil marami akong nakilala, at least kahit paano may name recall na ako sa akademya. This, my friends, is what I call networking. May mga bagong bagay rin akong natutuhan, gaya ng paliwanag tungkol sa “rookie” at ang kahulugan ng “tibak” (aktibista pala ang ibig sabihin nito). Alam ko namang hindi ito ang huling pagkakataon. Marami pang darating, at muli, paghahandaan ko ang mga iyon.

Saturday, August 20, 2005

S*ck It!

Para sa mga ka-DX ko, isang paalala ng ating
nakaraan, tungo sa ating kasalukuyan
at kinabukasan. Mabuhay ang DX, and if
they're not down with that, we got two words
for them: SUCK IT!

Friday, August 19, 2005


The movie starts off with a generically named couple, John and Jane Smith, talking to a marriage counselor. From there, the viewers get a glimpse of their lives as mercenaries working for opposing groups, mixing humdrum domesticity with blood pumping danger and deceit.

In a bar in Bogota, Colombia, a woman named Jane walks into a bar (no, this is not a joke) as an army of police officers accosts individuals without a companion. As she breezes through the security, she meets up with John, and the two of them claim that they are together, to avoid any further involvement with the law enforcers. After this meeting, they wed and lived a seemingly boring life as husband and wife, until the fateful day that they discovered that each of them were actually spies working for opposing groups.

After engaging scenes of Mr. and Mrs. Smith trying to blow one another into, well, smithereens, they both realize that they were actually assigned on a single target by their respective groups, with the aim that they would eliminate one another. What follows is a conventional action movie narrative device of cat and mouse game, with the Smiths trying to elude forces from their camps out for their blood, while trying to discuss their marital woes during and in between fighting for their lives. Their final salvo against a number of the forces sent against them inside an abandoned shop is a scene worth seeing and nitpicking.

Brad and Angelina’s seething chemistry onscreen (and reportedly off screen) is a visual pleasure to behold. My love, my own Mrs. Smith with whom I saw the movie, even commented that the scenes were enough for Jennifer Aniston, Pitt’s erstwhile wife, to really be jealous of the silver screen couple. Sadly, it is only through visual appeal that the movie makes up for what it lacks in plot.

The movie has quite a number of plot holes, as there are bullet holes in the swath of destruction they leave in their wake fighting one another and their opposing camps. For one, I really can’t fathom how they were able to survive after fighting the armies sent by their camps. Sure they were represented in the movie as two of the best agents in the field (John has a kill rate of around 50 or 60, while Jane has killed 312!), but I really can’t believe that they beat quite a number of enemies armed to the teeth, equipped with the latest technology in weapons and night vision, during a night time attack in an abandoned, darkened shop, with only a handful of guns and rifles, wearing shades at that! Also, the viewers are left with the conundrum of how they were able to escape with their lives from the wrath of their agencies. Did the opposing groups just let them go scot-free after the couple decimated their forces during the attack? Definitely, an unhealthy excessive suspension of disbelief is required.

The movie ends with the Smiths having ironed out their marital troubles, sitting yet again in front of their counselor. Good for them. The viewers could certainly occupy their places on the counselor’s couch, to help them figure out how to resolve the movie’s dangling plot…

Labels: , ,

Thursday, August 18, 2005

Re: FIL 10 (Basic Filipino)


May dalawa akong mungkahi para sa programang FIL 10, o Basic Filipino ng Ateneo. Una, puwede siyang ilahok bilang isang pagsubok sa programang "Extra Challenge" kung sakaling gagawa sila ng episode at mga guro ang kalahok. Pangalawa, at ito ang higit na mahalaga, dapat may hazard pay ang pagtuturo ng FIL 10. Sa bawat pagkikita, itinataya ng guro ang kanyang katinuan ng pag-iisip sa tuwing nagtuturo siya sa mga batang Filipino naman sana, subalit walang kagana-ganang matuto ng wika at kulturang Filipino. Daig pa ng mga Hapong kasalukuyang nag-aaral ng Conversational Filipino sa Ateneo. Nang minsang magmasid ako sa klase ng kapwa ko guro, natuwa akong panoorin at pakinggan ang mga Hapon. Bukod pa sa maaga silang pumapasok, talagang pinipilit nilang matuto ng wikang Filipino sa paraang pasulat at pabigkas. Nakalulungkot isiping mas may gana pang matuto ang mga banyaga kaysa mga likas naman sanang Filipino.

Mahirap talagang makitungo sa mga taong kolonyal ang paraan ng pag-iisip. Di bale nang hindi sila lumingon sa kanilang nakaraan, ang mahalaga marunong silang mag-Ingles, dahil ito lang naman ang kailangan nila "to be globally competitive." Naglagay-lagay pa ako sa kanilang silabus, at ipinaliwanag ko pa ang pahayag ni Ludwig van Wittgenstein na "the limits of my world are the limits of my language," hindi naman nakikinig at nakikisangkot sa klase, maliban sa iilang interesado talagang matuto (na hindi lalagpas sa bilang ng mga daliri sa ISANG kamay lamang bawat klase). Minsan nga ipababasa ko sa kanila ang tula ni Sir Mike (Coroza) tungkol sa Executive Order (EO) 210.

Wednesday, August 17, 2005

Part-time rants

*Nahanap ko sa aking journal. Gusto ko lang ibahagi sa iba.

June 23, 2004

Madalas akong umaangal tungkol sa sahod na tinatanggap ko bilang guro. Malaking bahagi kasi nito ang napupunta bilang pambayad sa tuition fee ng pag-aaral ng M.A. Di bale, katwiran naman ng ilang kasamahan kong guro, mas malaki naman ang tatanggapin ko kapag nagkaroon na ako ng ‘M.A.’ sa dulo ng aking pangalan.

Bukod pa rito, taun-taon na lamang nagiging problema ang pagiging huli ng unang sahod para sa aming mga part-time na guro. Kamakailan lang, nagpunta kami sa personnel office para magpalagay ng bagong sticker para sa taong ito. Sabi sa amin, wala pa raw dumarating na mga papeles na nagpapatunay na guro nga kami ng Ateneo para sa semestreng ito. Sa tinagal-tagal ba naman ng suliraning ito, hindi pa nakahahanap ng solusyon ang pamunuan ng Ateneo? Gusto ko nga sanang magprisinta na kami na lang ang maglalakad mismo ng aming mga papeles. Tiyak red tape kasi ang nagpapabagal sa prosesong ito.

Kanina, sumama ako kina Hya at sa kanyang Mama sa simbahan ng Baclaran. Habang nakaupo kami’t naghihintay matapos ang pagbibigay ng komunyon, nagmasid-masid ako sa kapaligiran. Napansin ko ang isang mamang kalbo na kulay orange ang t-shirt. Nakatayo siya, taimtim na binabasa ang mga nakasulat sa kanyang novenaryo. Mula sa kanyang likod matapos ang ilang sandali, may dalawang babae ang naglakad patungo sa bandang harap ng simbahan, siguro naghahanap ng mauupuan. Nakasuot ng maikling palda ang isa sa dalawa. Walang anu-ano, hindi na sa novenaryo nakatuon ang pansin ng mama.

Astig, sabi ko na lang sa aking sarili. Iba talaga ang tao. Matapos iyon, nakita kong nakatayo sa may gilid ng pew na aming kinauupuan ang isang babaeng hindi siguro lalagpas sa 20 ang gulang, pormal ang bihis at may kipkip na plastic document keeper, kulay green. Dahil transparent ito, nakita ko sa loob ang isang cut-out ng anunsiyo mula sa classified ad ng isang pahayagan, isang green na bote ng paste, isang pahina ng bio-data o resume yata, at ilang piraso ng larawang iba-iba ang sukat. Tingnan mo ‘yung babae sa 2 o’ clock natin, bulong ko kay Hya. Mukhang nag-aaply ‘yan ng trabaho. Ngumiti si Hya, para bang sumang-ayon sa aking hinuha.

Natuwa ako kahit paano kasi nagamit ko ang kapangyarihan sa pagmamasid. Bukod sa mga Batman comicbooks, laking Sherlock Holmes novels yata ako. Kaya lang, nalungkot din ako sa aking nakita. Naalala ko kagabi, ibinalita sa mga ulat sa TV na ayon sa pinakabagong tala ng DOLE, mahigit limang milyong Pilipino na ang walang trabaho. Kasabay ng ulat na ito, kinapanayam din ng isang reporter ng GMA 7 ang ilang sumusubok makapasok sa ilang kompanya. Inilahad nila ang pagod at gastos sa araw-araw nilang pakikipagsapalaran, upang umuwi lamang na bigo sa pagtatapos ng araw.

Naalala ko na dati, isa rin ako sa kanila. Naalala ko ang pagod sa pag-aasikaso ng mga papeles gaya ng NBI clearance at Certificate para sa Civil Service Eligibility, ang hirap na pinagdaanan sa pagpunta sa iba’t ibang dako ng Metro Manila para magpasa ng resume o di kaya’y dumalo sa ilang application exam o job interview. Kung hindi dahil sa alok ni Sir Mike na sumubok magturo sa Ateneo, marahil limang milyon at isa na ang nakatala sa DOLE. Hindi ito pagmamaliit sa aking kakayahan. Nagkataon lamang na in-demand ngayon ang mga larangang nagpapaalila ka sa kompyuter o di kaya sa mga matandang banyaga. Sugal ang desisyon kong kumuha ng kursong Panitikan.

Heto ako ngayon, 12 na ng madaling araw, nagbabasa ng mga tala na aking ibibigay bukas sa klase bilang leksiyon…

Tuesday, August 16, 2005

Paunawa...

Ipagpaumanhin ang kakulangan ng bagong entry. Maraming ginagawa si Brother I. The OMAC Project's operations will resume next week.

Wednesday, August 03, 2005

And now, a word from our sponsors


Wala pang bagong entry, o di kaya'y lumang entry na puwedeng i-post.

For hobbyists with money to burn, visit PETE'S TOYSHOP, located at #67 Blue lane, 3rd floor, Shoppesvill Arcade, Greenhills Shopping Center. The shop offers merchandise at a fraction of its cost in other shops in Greenhills.