Kung Kailang ang Guro naman ang Tinuruan, o ang Bodybuilding 101 ayon kay Allan
August 23, 2005
Nang makapagpasya kami ni Yol na magpalaki ng katawan, nagpasya rin kaming gawing regular ang pagbisita sa weights room ng Ateneo[1] para naman may makikitang resulta agad sa aming pangangatawan. Ang sabi namin, hindi kami magniningas kugon at gagawin namin ang lahat upang mag-“pumping iron” kada Martes at Huwebes. Kaya lang, dulot ng napakaraming gawain at mga mahalagang bagay na kailangang paghandaan kaysa magpalaki ng katawan, [2] matagal-tagal din kaming nabakante.
Matapos ang unang pagbisita namin sa weights room, nagkaroon ng ilang araw na naging regular nga ang aming punta. Nang mga sumunod na araw, nalaman na namin ang ilang mahalagang punto tungkol sa pagpapalaki ng katawan, gaya ng pangangailangan para sa warm up bago ang anumang ehersisyo,[3] gayon na rin ang mga pangunahing kalamnan na kailangang i-develop muna (dibdib, likod, abs at binti) bago ang iba pang muscle group, kabilang na ang ilang hakbang tungo sa pagdedevelop nga ng mga ito.[4] Alam na rin namin ang ilang exercise at ang paggamit sa ibang equipment sa weight room bukod pa sa barbell at dumbbell, dulot ng pagmamasid namin sa ilang estudyanteng naroon dati, gayon na rin ang pagtingin sa mga larawan ng mga bodybuilder kasama ang ilang panuto, na nakapaskil sa paligid ng kuwarto.
Masasabing kulang ang aming training noong mga unang araw dahil sadyang limitado lamang ang aming nalalaman tungkol sa pagsasanay. Nakapagbigay nga ng ilang mahalagang punto ang lalaking napagtanungan namin dati, ngunit sadyang kulang iyon kung ihahambing sa formal training na nararanasan ng iba sa ilang sikat na gym sa bansa, sa ilalim ng pangangasiwa ng kanilang professional fitness instructor. Bukod pa rito, wala kaming gaanong dalawang D at isang P (disiplina, dinero at panahon) upang sundin ang mahigpit na training regimen na kailangan sa pagpapalaki ng katawan, gayon na rin ang pag-obserba sa wastong diet at pag-inom ng kung anu-anong food supplement na sa pangalan pa lang na mahirap bigkasin, alam mo nang mahirap ding bilhin dulot ng mataas na presyo.
Higit sa lahat, may pagtitimpi ang aming pag-eensayo dulot na rin ng hiya. May kasabay kasi kaming mga estudyanteng nagsasanay rin kahit pa ang ipinaalam sa amin ng PE Dept, maaari lang kaming magpunta sa weights room sa mga oras na tapos na ang klase sa PE.[5] Hangga’t maaari, hindi namin ginagawa ang mga kilos ng mga estudyanteng kasabayan namin, baka kasi maparatangan kaming nanggagaya lamang at malaman nilang wala kaming gaanong alam. Medyo ilag din kami at baka may makasabay kaming estudyante namin at makitang mas mabigat pa ang kanilang binubuhat o mas mahirap pa ang kanilang ginagawang exercise kaysa kaya naming buhatin at gawin.
Sa katunayan nga, noong huling bumisita kami, nagkataong pumunta rin sa kuwarto ang mga miyembro yata ng cheering squad, kapwa lalaki at babae, at nagbuhat din ng mga barbell at dumbbell sa ilalim ng pangangasiwa ng isang lalaking aakalain mo wrestler sa kombinasyon ng tangkad at batu-batong pangangatawan. Dalawang lalaki sa grupo ang naging estudyante ko noong unang taon ko ng pagtuturo, at umiiwas akong makita nila ako. Paano ba naman, nakita ko silang nag-bench press ng barbell na medyo may kabigatan kaysa binuhat ko ilang sandali lamang ang nakararaan. So sa halip na mga braso ang pagtuunan ko ng pansin, tumungo muna ako sa isang aparatong pampalakas ng binti, iyong tipong nakaupo ka sa sahig at may itinataas na barbell ang mga binti, at nag-exercise. Walang anu-ano, habang isa-isang umalis ang mga bagong salta, tinapik ako sa balikat ng isa sa mga estudyanteng iniiwasan ko sabay sabing, “Sir.” Ayos.
Kahit pa paminsan-minsan pa rin kaming binabagabag ng hiya, nagpatuloy pa rin kami ni Yol sa pagpunta sa weights room. Wala kaming pakialam sa sasabihing o iisipin ng iba, bakit ba, eh sa gusto naming magpalaki ng katawan, may magagawa ba sila? Buti rin at dalawa kami, para kahit ano man ang mangyari, magkaramay kaming tatawa sa bandang huli.
Iba ang nangyari kanina lamang. Noong una, sobrang saya ko kasi ito ang unang pagkakataong makapagbubuhat uli kami ng bakal matapos ang mahaba-habang bakasyon dulot na rin ng pangangailangang pagtugon sa ilang kahingiang pang-iskolar. Bukod pa pala rito, may isa pang dahilan na dapat ikatuwa.
Pagpunta namin sa weights room, nakakandado ang pinto. Madilim din ang loob. Uh oh, una kong iniisip, mukhang mapupurnada pa ang lakad namin. Pumunta kami sa janitors’ quarters at nagtanong sa mga manong[6] doon kung puwede ba kaming gumamit ng kuwarto. Sabi nila, magpaalam daw muna kami sa PE Dept dahil naroon ang susi. Pumunta naman kami ni Yol. Pagdating namin doon, sinabi sa amin ng medyo matandang lalaking empleyado sa may pinto na sarado ang kuwarto dahil nagalit daw ang isang instructor. Pagpasok niya kasi kaninang umaga lamang, nakakalat ang mga gamit sa loob at hindi iniayos ng kung sino mang gago[7] ang nahuling gumamit. Ipinaliwanag ko namang hindi kami iyon, at nangako rin kaming kami ang bahalang mag-ayos sa silid bago kami umalis, total kami naman ang gagamit.
Naglakad muli kami papunta sa janitor’s quarters at ibinahagi sa kanila ang magandang balita. Noong una, ayaw nilang ipahiram ang susi dahil sa di-mabilang na kadahilanan. Medyo nag-iinit na rin ang ulo ko at ipinakita ko ang Faculty ID ko, sabay ulit na pinayagan na nga kami sa PE Dept. Umamin ang isang hindi nila alam kung nasaan ang susi dahil mga referee lang daw sila. Tangnang yan! [8] Kay haba ng paliwanag, hindi naman pala sila ang may kinalaman sa hinihingi namin.
Itinuro nila kami sa kabilang dulo ng covered court. Doon daw namin hanapin si Jong, ang may hawak ng susi.[9] Pumunta naman kami at ako ang kumausap sa mga janitor. May galit sa boses ng janitor sa may bungad na kumausap sa akin. Kung anu-ano ang pinagsasasabi. Ipinakita ko sa kanya ang Faculty ID ko habang nagpapaliwanag na responsible naman kami at ililigpit namin ang mga gamit pagkatapos namin. Biglang umamo ang kanyang boses, sabay sinabi kay Jong na iabot na sa amin ang susi. Putaragis! Hindi naman pala siya si Jong, akala mo kung sino!
Okay. So binuksan na namin ang pinto at nag-jogging at kung anu-ano pang warm up exercise ang ginawa namin dahil kami lang naman ang nasa kuwarto. Bakit kami mahihiya, di ba? Ikinandado rin namin ang pinto, batay sa bilin ni Jong na huwag na kaming magpapasok pa ng ibang tao. Siyempre hypermasculinity to the max kami tutal kami lang naman ang tao. Ginawa ko ang ilang moves na nabasa ko sa Men’s Health na binili ko for the sole reason of what it proclaims on the cover: “Build a Better Body in Just 4 Weeks!” [10] Bago rin mag-exercise, uminom ako ng Mega Mass.©
Mga alas-5:30 na iyon ng hapon nang walang anu-ano, may sumigaw ng pangalan ko mula sa labas. Medyo malayo ako mula sa bintana at tinanggal ko ang salamin ko kaya di ko agad nakilala kung sino. Si Allan pala, ang katulong ni Ate Mel bilang sekretarya sa Kagawaran ng Filipino.[11] Bigla kong naalala, isa pala siya sa mga niyaya naming sumali sa aming hypermasculinity routine kada Martes at Huwebes.
Pinapasok namin si Allan at sabay-sabay kaming nagbuhat ng bakal. Naunang huminto si Yol at tiningnan ang mga chart na nakapaskil sa isang bahagi ng silid. Ako naman, hindi pa sumusuko. Pilit akong nakipagsabayan kay Allan. Bakit ako padadaig, di ba? Di-kalaunan, huminto na rin ako at sinamahan si Yol sa katititig sa mga chart. Nagbulungan kami tungkol sa ginagawa ni Allan. Putaragis, kay lalaking barbell ng pinagbububuhat! Eh di siyempre nasapawan kami, at alam naman namin iyon. Sabi ko, pagkakataon na iyon para magpaturo sa kanya ng mga wastong ehersisyo.
Sinagot naman ni Allan ang mga tanong namin. Ipinakita rin niya kung paano gamitin ang mga aparatong hindi na nga namin alam ang pangalan, hindi pa namin alam kung para saan. Umalis si Yol upang umidlip, gisingin na lang daw namin siya kapag tapos na kami ni Allan mag-exercise.
Nagpatuloy ang konsultasyon ko kay Allan. Sinagot naman niya ang mga tanong ko, at ipinakita rin ang mga dapat kong gawin sa pagpapalapad ng dibdib. Ito kasi, sabi ko sa kanya, ang gusto kong pagtuunan muna ng pansin, bago ang abs. Nagpayo rin siyang maaaring pagsabayin ang chest, biceps at triceps exercise. Bukod pa rito, nagpayo siya sa mga dapat kainin at ang mga dapat iwasan.
Umalis kami mga alas-6 na ng gabi. Habang naglalakad kami pabalik sa Department, ikinuwento ko kay Yol ang mga bagong bagay na natutuhan ko kay Allan. Nagbiro si Yol na malamang pag-uwi ni Allan, agad niyang ikukuwento sa kanyang ina ang kanyang ginawang pagtuturo sa amin ng wastong pag-eehersisyo. Na kesyo mga guro pa kaming tinagurian, pero pagdating sa weight training, siya ang hari.
Posible, sabi ko na lang sa sarili ko. Naisip ko ring huwag na siyang anyayahan pa sa mga susunod naming pag-eehersisyo ni Yol, tutal naibahagi na naman niya sa amin ang ilang bagay na dapat naming matutuhan. Sa tingin ko, sapat na iyon.
Talababa:
[1] Libre kasi ang paggamit nito kapag faculty ka
[2] Kabilang na rito ang paghahanda para sa Sawikaan 2005 National Conference.
[3] Noong una, hindi kami nag-warm up. Pagkatapos ng workout hanggang sa mga sumunod na araw, para kaming paraplegic, na hindi mapakinabangan ang aming buong katawan dahil sa sakit.
[4] Itinuro ito sa amin ng isang lalaking nakasabay naming mag-ensayo sa weights room, na ayon kay Yol, naroon na dati pa noong nag-aaral pa lamang siya. Noong una, bossy ang dating niya at medyo mataas ang boses nang utusan niya kaming magbihis, gayon na rin ang pagtuturo sa kung saan kami dapat magpalit ng damit. Nang malamang mga guro kami, naging more than willing siyang magpayo at magpakita ng mga wastong paraan ng pagbubuhat ng bakal.
[5] Iyon naman pala, pumupunta lang ang ilang estudyante sa weights room para rin mag-exercise, kahit pa hindi weight training ang kanilang PE, o di kaya’y hindi iskedyul ng kanilang klase sa PE.
[6] Manong ang tawag ko sa mga janitor o security guard na nakikita o nakakausap ko. Ito ang itinuturing kong tawag ng paggalang sa kanila.
[7] Sa paggamit ko ng salitang ito, tiyak magkokomento na naman si Yol na ang writing style ko ay gaya ng kay Mon Tulfo.
[8] Ibid.
[9] Sa puntong ito, daig pa namin ang mga basketball na idinidribol at pinagpapasa-pasahan ng mga manlalarong nasa covered court noong mga panahong iyon.
[10] Men’s Health, Philippine Edition. June 2005.
[11] Nagpapalaki rin siya ng katawan, gaya ng co-faculty naming si Ariel at si Egay [Edgar]. Si Allan din ang dahilan kung bakit napabili ako ng Mega Mass.© Naging kapuna-puna kasi para sa ilan naming co-faculty na lumolobo ang mga muscle sa kanyang katawan. Siyempre nainggit ako kaya nagtanong ako sa kanya kung ano ang kanyang ginagawa at iniinom para makapagpalaki ng katawan.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home