Hindi lamang sopas ang mainit, kundi pati ang ulo ko
August 20, 2005
Kagabi, iniabot sa akin ni Jenny, ang bunso kong kapatid, ang class picture ng section ko dati noong grade five ako sa Sto. Niño Parochial School (SNPS).[1] Tawa ako nang tawa nang makita ko ang aming mga hitsura: mga totoy at neneng na tila wala pang nalalaman tungkol sa mundo.[2] Nakita ko ring muli ang aking mga dating crush, gayon na rin ang mga dating kaklase at kaibigang may kanya-kanya na ring trabaho ngayon. Nanumbalik ang alaala ng kabataan, lalo na ang mga asaran, tuksuhan, at kadalasang sakitan, na bahagi naman yata ng elementary experience.
Kupas man ang larawan, matingkad pa rin sa gunita ang mga taong makikita sa larawan, kahit pa hindi ko na maaalala ang kanilang mga pangalan. Naroon ang dalawa kong kaibigang lalaki na ayaw ni Nanay,[3] dahil mukha raw suwitik, at mukhang puro kalokohan lang ang ituturo sa akin. Nakita kong muli ang negro kong kaklase, na karibal ko dati sa pansin ng aking crush.[4] Hindi rin mawawala sa picture ang mga anak at pamangkin ng mga guro, na hindi naman nakapagtatakang laging kasama sa top 10 ng klase kada quarter o sa pagtatapos ng taon, gayundin ang inaanak ng principal na mayroon ding mga pribilehiyong nakukuha, lalo na pagdating sa asaran: sa tuwing inaasar siya, iiyak siya’t sasabihing “isusumbong kita sa ninang ko!”
Kumpleto rin ang mga kasama ko sa “ice candy gang,” kaming mga estudyanteng pagkatapos kumain ng baon tuwing recess ay bumibili ng, well, ice candy mula sa canteen, pagkatapos ay maglalaro ng habulan o taguan. Naalala ko ang isang beses na naglalaro pa rin kami kahit pa tumunog na ang bell, ang hudyat na tapos na ang recess. Habang nagtatakbuhan kami sa school ground, isa-isa kaming hinabol ng mga lalaking guro pagkatapos ay pinagalitan. Pinagalitan kami dahil tapos na raw ang recess, pero mas pinili pa namin ang maglaro kaysa dumalo sa klase. Matagal ang kanilang ginawang panenermon kaya ayun, tapos na rin ang subject pagkabalik namin sa klase.
Siyempre, hindi kumpleto ang paggunita sa kabataan nang hindi naaalala ang mga guro. Sa nasabing class picture, Siyempre laging kasama ang class adviser. Adviser ko dati si Mrs. N_____o, na napabalitang tumatanggap dati ng “lagay” mula sa isa sa mga kaklase naming kahit anong kalokohan pa ang gawin, hindi nawawala sa cream section o section A,[5] kahit din ubod ng baba ang kanyang mga marka. Napatunayan ko ito nang minsang isinama ako ng nabanggit na kaklase sa pagkuha ng pera mula sa kanilang bahay, tapos tumuloy kami sa bahay ni Ma’am at iniabot niya ang perang nakalagay sa sobre. Nang tanungin ko siya kung para saan iyon, sabi lang niya bayad sa utang niya kay Ma’am. Nakapagtatakang sa tuwing nagpapadala ng pera ang kanyang inang nagtatrabaho sa ibang bansa, lagi siyang may “binabayarang” utang kay Ma’am. Hmmm…
Sa class picture, katabi ni Ma’am si Mrs. C_______a, ang teacher namin dati sa Home Economics and Livelihood Education (HELE). Sa klase namin, wala na siyang ginawa kundi magbasa ng mga leksiyong matatagpuan mismo sa teksbuk, kaya ang bawat pagkikita ay tila Reading class, na ibang subject sana at ibang guro ang humahawak. Bukod pa rito, ipinakokopya niya rin sa amin ang mga nasabing leksiyon mula sa libro sa aming mga notebook, na tila kami pa ang mga pari noong Dark Ages na kinailangang isulat kamay ang lahat ng mga aklat na nalabi mula sa paninira ng mga barbaro. Yes, ipinasulat niya sa amin chapter by chapter ang lahat ng impormasyong nasa libro naman sana. Upang matiyak na “nagsusulat” nga kami ng “lecture notes,” laging sorpresa ang kanyang mga isinasagawang pag-check ng mga notebook. Yari ka kapag kulang ang notes mo, tiyak may bawas sa grade.
Buti sana kung ito lang ang naaalala ko sa kanya, pero mayroon pang mas malubha. Bilang bahagi ng subject na HELE, kinakailangan din naming mag-aral kung paano magluto at magtinda.[6] Kaugnay nito, pinagdala dati ang aming grupo ng mga sangkap para sa pagluluto ng sopas. Siyempre, itinakda na ng aming lider kung sino ang magdadala ng ano. Kung tama ang pagkakaalala ko, repolyo yata o gatas ang naitoka sa akin.
Nang oras na ng aming subject, nagpunta kami sa kusina ng paaralan at nagsimula nang maghanda para sa pagluluto. Kami ang gumawa ng lahat, mula sa paghahanda ng mga sangkap hanggang sa mismong pagluluto ng sopas. Binantayan naman kami nang maigi ni Ma’am.[7] Pagkaluto sa aming obra, siyempre tinikman namin ang aming gawa, at nakisalo naman si Ma’am. Okay, tapos na ang unang bahagi. Pinaalalahanan niya kaming huwag ubusin ang aming iniluto sapagkat ititinda pa namin ito sa ibang estudyante.[8] Kahit bitin pa kami, wala na kaming nagawa kaya kumuha na lang kami ng mga mangkok mula sa lalagyan, upang malagyan na ng sopas na ibebenta sa iba.
Pagtunog ng bell, agarang nagsilabas na ng silid ang mga estudyante. Dahil nasa ground floor ang canteen at nasa fourth floor naman ang kusina, minarapat na lang ng mga grade four, five at six[9] na sa kusina tumuloy, dahil nasa fifth floor ito at sadyang malapit sa kanilang mga classroom, kaysa nga naman bababa pa sila sa canteen na tiyak nag-uumapaw sa tao dahil sabay-sabay ang lahat ng recess ng mga grade level.
Mababa marahil ang sales ng canteen nang araw na iyon, dahil maraming estudyante ang tumangkilik sa aming tinda. Masaya kami, oo, dahil tiyak mataas ang grade namin dahil sa dami ng customer, kahit pa nananakam kami dahil bitin ang aming kinain. Pero okay lang sa amin iyon, dahil bukod sa grade, tiyak malaki ang aming benta at malaki rin ang aming mapaghahatian pagkatapos ng klase!
Saktong-sakto sa pagkaubos ng aming tinda ang pagtunog ng bell. Kung gaanong kay bilis napuno ng tao ang kusina, ganoon din sila kabilis nawala. Matapos mailagay ang mga mangkok sa lababo upang mahugasan na, bigla kaming pinabalik sa classroom ni Ma’am, dahil may susunod pa kaming subject. Siya na raw ang bahala sa lahat. Nang sabihin niyang “lahat,” kabilang pala roon ang pagtatago ng aming kita! Iniwan namin siyang nagbibilang ng aming napagbentahan.
Hindi ako mapalagay pagbalik sa kuwarto. Sabi ko parang may mali. Kada subject na sumunod, nagme-“may I go out” ako upang hanapin si Ma’am. Hindi ko siya nakita. Kinausap ko ang aming lider, nagpapasama ako upang makuha namin ang napagbentahan at nang sa gayo’y maibigay man lang namin sa aming mga magulang bilang bayad sa kanilang pagbili ng mga sangkap na aming dinala. Ayaw niya, sabi niya hayaan na lang daw. Dismayado akong umalis muli upang hanapin si Ma’am at ipaglaban ang sa amin naman talaga dapat.
Nakita ko si Ma’am sa faculty room, kasama niya ang ilang guro na kumakain ng aming mga proyektong ipinasa dati, ang mga “preserved fruits.” Mula sa bintana ng kuwarto, kitang-kita ko silang sarap na sarap sa pagkain ng aming proyekto, gayon na rin sa paghahati-hati ng mga proyekto rin naming daing na bangus at paglalagay ng mga ito sa iba’t ibang plastik, marahil upang iuwi pagkatapos ng klase. Dati, naka-display sa aparador ang mga nasabing proyekto, sapagkat itinanghal nila ang mga ito nang minsang may bumisitang mga opisyales sa SNPS. Masaya rin silang nagkukuwentuhan habang ginagawa ang mga ito.
Umiling-iling na lamang akong umalis.
[1] Nasa Bukidnon St., Bago Bantay Quezon City. Kadalasang ginagamit ang “SM North EDSA” o “SM West” bilang point of reference sa tuwing may magtatanong kung saan ang SNPS.
[2] Take note, ginamit ko ang salitang “tila”
[3] Ang pinakamamahal kong lola, na kahit grade six na ako, inihahatid at sinusundo pa rin ako sa eskuwelahan. Ang sweet niya ano?
[4] Hey, forgive the politically incorrect word. Karibal ko iyon dati eh, anong dapat kong sabihin?
[5] Mula kinder hanggang grade 6, lagi akong kabilang sa section A. Yabang!
[6] Bukod pa sa pag-aaral kung paano gumawa ng “preserved fruits” at ng daing na bangus.
[7] Posible ring hindi kapakanan namin ang kanyang inaalala, kundi ang tagal ng aming ginagawang paghahanda dahil gutom na siya.
[8] Ginawa niya ang paalala habang sumasalok ng mainit na sopas mula sa kaldero.
[9] Dati kasi, habang tumataas ang grade level mo, tumataas din ang bilang ng hakbang na dapat mong akyatin papunta sa klase. Ang grade 1, nasa first floor at ang grade six, following the scheme, ay siyempre sa sixth floor. Sumablay lang sa junior at senior kinder, dahil sa second floor ang mga klase.
7 Comments:
ayos a, parang bob ong ang writing style
ikaw yun, ulol.
gelman baka interesado ka:
The Concept of the Hero/ine in American Culture presented by The American Studies Association of the Philippines and the UP Department of English and Comparative Literature this Thursday, August 25, 2005, 2:30-4:30 p.m. at the FC Conference Hall in the College of Arts & Letters of UP Diliman.
yol, sino si bob ong? siyangapala, P%$#^& I(*& M0!
yol, sino si bob ong? siyangapala, P%$#^& I(*& M0!
CALBAY, maraming salamat sa info! : ) pupunta ako, definitely. sana kilala mo yung mga titser na tinukoy ko sa entry, kung hindi ipakikilala ko sila sa iyo. he he.
isusumbong kita sa ninang ko!!!!
Post a Comment
<< Home