Part-time rants
*Nahanap ko sa aking journal. Gusto ko lang ibahagi sa iba.
June 23, 2004
Madalas akong umaangal tungkol sa sahod na tinatanggap ko bilang guro. Malaking bahagi kasi nito ang napupunta bilang pambayad sa tuition fee ng pag-aaral ng M.A. Di bale, katwiran naman ng ilang kasamahan kong guro, mas malaki naman ang tatanggapin ko kapag nagkaroon na ako ng ‘M.A.’ sa dulo ng aking pangalan.
Bukod pa rito, taun-taon na lamang nagiging problema ang pagiging huli ng unang sahod para sa aming mga part-time na guro. Kamakailan lang, nagpunta kami sa personnel office para magpalagay ng bagong sticker para sa taong ito. Sabi sa amin, wala pa raw dumarating na mga papeles na nagpapatunay na guro nga kami ng Ateneo para sa semestreng ito. Sa tinagal-tagal ba naman ng suliraning ito, hindi pa nakahahanap ng solusyon ang pamunuan ng Ateneo? Gusto ko nga sanang magprisinta na kami na lang ang maglalakad mismo ng aming mga papeles. Tiyak red tape kasi ang nagpapabagal sa prosesong ito.
Kanina, sumama ako kina Hya at sa kanyang Mama sa simbahan ng Baclaran. Habang nakaupo kami’t naghihintay matapos ang pagbibigay ng komunyon, nagmasid-masid ako sa kapaligiran. Napansin ko ang isang mamang kalbo na kulay orange ang t-shirt. Nakatayo siya, taimtim na binabasa ang mga nakasulat sa kanyang novenaryo. Mula sa kanyang likod matapos ang ilang sandali, may dalawang babae ang naglakad patungo sa bandang harap ng simbahan, siguro naghahanap ng mauupuan. Nakasuot ng maikling palda ang isa sa dalawa. Walang anu-ano, hindi na sa novenaryo nakatuon ang pansin ng mama.
Astig, sabi ko na lang sa aking sarili. Iba talaga ang tao. Matapos iyon, nakita kong nakatayo sa may gilid ng pew na aming kinauupuan ang isang babaeng hindi siguro lalagpas sa 20 ang gulang, pormal ang bihis at may kipkip na plastic document keeper, kulay green. Dahil transparent ito, nakita ko sa loob ang isang cut-out ng anunsiyo mula sa classified ad ng isang pahayagan, isang green na bote ng paste, isang pahina ng bio-data o resume yata, at ilang piraso ng larawang iba-iba ang sukat. Tingnan mo ‘yung babae sa 2 o’ clock natin, bulong ko kay Hya. Mukhang nag-aaply ‘yan ng trabaho. Ngumiti si Hya, para bang sumang-ayon sa aking hinuha.
Natuwa ako kahit paano kasi nagamit ko ang kapangyarihan sa pagmamasid. Bukod sa mga Batman comicbooks, laking Sherlock Holmes novels yata ako. Kaya lang, nalungkot din ako sa aking nakita. Naalala ko kagabi, ibinalita sa mga ulat sa TV na ayon sa pinakabagong tala ng DOLE, mahigit limang milyong Pilipino na ang walang trabaho. Kasabay ng ulat na ito, kinapanayam din ng isang reporter ng GMA 7 ang ilang sumusubok makapasok sa ilang kompanya. Inilahad nila ang pagod at gastos sa araw-araw nilang pakikipagsapalaran, upang umuwi lamang na bigo sa pagtatapos ng araw.
Naalala ko na dati, isa rin ako sa kanila. Naalala ko ang pagod sa pag-aasikaso ng mga papeles gaya ng NBI clearance at Certificate para sa Civil Service Eligibility, ang hirap na pinagdaanan sa pagpunta sa iba’t ibang dako ng Metro Manila para magpasa ng resume o di kaya’y dumalo sa ilang application exam o job interview. Kung hindi dahil sa alok ni Sir Mike na sumubok magturo sa Ateneo, marahil limang milyon at isa na ang nakatala sa DOLE. Hindi ito pagmamaliit sa aking kakayahan. Nagkataon lamang na in-demand ngayon ang mga larangang nagpapaalila ka sa kompyuter o di kaya sa mga matandang banyaga. Sugal ang desisyon kong kumuha ng kursong Panitikan.
Heto ako ngayon, 12 na ng madaling araw, nagbabasa ng mga tala na aking ibibigay bukas sa klase bilang leksiyon…

0 Comments:
Post a Comment
<< Home