Thursday, July 28, 2005

Isinulat ko ang nasa ibaba na may heading "NEWEST SEX SCANDAL! SHOCKING!" o minsan naman, "NUMBER 1 TAYO, KAPUSO!" at ipinadala ko sa electronic bulletin board ng A_ _-C_ _, nang pumapasok pa ako roon. Mabuti naman at marami ang bumasa sa akda, kaibigan man o kaaway. Ang problema nga lang, hindi ako mismo ang kinausap ng pamunuan hinggil dito, bagkus ang aking superior, na siya namang nagsabing kinausap siya at ipinaliwanag sa kanya ang panig ng administrasyon. Natakot kaya silang harapin ang matapang na si THE GAME? Hindi pa ito ang huli. Nililinaw ko rin na hindi ako naninira o namumuna nang walang dahilan. Ang lahat ng nakasulat dito ay hango sa pansariling karanasan.

"You deserve better. Start demanding it."
- galing sa newsarama.com

SABI KO NA NGA BA'T BABASAHIN MO ANG MENSAHENG ITO.

Minsan lang ako maglabas ng saloobin, kaya sana bigyang pansin.

"We believe that every financial return eventually result from good acts." Marahil napapansin niyo rin itong nakapaskil sa lobby, sa ibaba ng malaking larawan ni Mr. Geny Lopez. Ito ang agarang tumambad sa akin noong araw ng job interview ko rito bilang manunulat. Matapos ang nasabing panayam, talagang binalikan ko ang nasabing larawan at pahayag, lalo na nang malaman kong contractual ang estado ko rito bilang empleyado (di naman sa apektado ako rito dahil may isa pa akong trabaho, ngunit higit na pinangangambahan ko ang kalagayan ng karamihan sa mga empleyadong ito lamang ang ikinabubuhay, sapagkat walang kapanatagan at estabilidad ang kanilang katayuan bilang manggagawa), kabilang na ang marami sa aking mga kaibigan. Pilit kong hinahanap ang kahulugan at kabuluhan ng nabanggit na pahayag sa katayuan ng mga empleyado rito. Ano ang nais kong tukuyin? Simple lang. Labis tayong nag-aalala sa bumababang ratings ng ating mga programa, na kesyo natatalo na tayo ng kabila [GMA 7], na paano susuportahan ng mga advertiser ang ating mga "pangit" na programa, atbp. [Ito ang mga isyung tinatalakay kasi ng mga empleyado at administrasyon sa aming bulletin board noong mga panahong isinulat ko ang akdang ito] Bago natin pinagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, isinaalang-alang ba natin ang kalagayan ng mga tao SA LIKOD ng mga nasabing programa? Hindi lang naman mga artista ang [bumubuhay sa] kompanyang ito. Maraming "bayani" ang hindi napapansin at sa tingin ko, hindi napahahalagahan. Ang pagiging contractual, may kasaaman na ngang taglay, mas malubha pa yata ang maging isang IPC (intellectual property creator yata). Maganda lang pakinggan, ngunit sadyang nakapanlulumo ang estado ng [mga] IPC. Ang balita ko linggu-linggo dapat tumatanggap ng sahod ang mga ito, subalit may mga kasamahan akong umaabot nang isang buwan bago matanggap ang tseke nila para sa isang linggo lamang! Saan ka pa, di ba? Astig! Alam ko ito, kasi nararamdaman ko rin ang naturang kaso kapag tumatanggap ako ng mga proyekto bukod pa sa aking trabaho [naranasan ko ring maging IPC nang rumaket ako bilang tagasalin ng telescript ng ilang programa]. May narinig nga akong munting awit bilang alay sa posisyongito (to the tune of “magtanim ay di biro"):

ANG IPC AY DI-BIRO, MAGDAMAG NAKAUPO
DI NA NGA TUMATAYO, DI PA RIN SUMUSUWELDO...

Nakatatawang isiping IBA MAGMAHAL ANG KAPAMILYA, subalit may mga taong nakararanas ng isinasaad sa kanta. May mga taong matagal bago makatanggap ng sahod, kahit pa matagal nang tapos ang gawain. Sumusunod naman sa deadline na itinakda, subalit ang sahod, tila napababayaan. Sana naman kumilos ang mga kinauukulan hinggil sa suliraning ito. Hindi lahat ipinanganak nang may subong pilak na kutsara sa bibig; karamihan sa mga empleyado, umaasa lamang sa sahod na dapat sana ay tinatanggap kada kinsenas. Sana lang talaga may agarang tugon sa suliraning ito. Bago kayo mag-alala sa ratings, unahin niyo muna ang kapakanan ng mga manggagawa. Maniwala kayo, everything else will follow. Si Sir Geny na nganagsabi, "We believe that every financial return eventually result from good acts." Paano kayo kikita kung hindi kayo magmamalasakit sa kapwa? Talagang pinagpapala ang mga mabuting makitungo sa kapwa. Basta kapag may tinamaan ng bato, ang pumukol ay hindi ako. Peace!- The GAME


Ilang tala:

Ginawa yata ang IPC bilang tugon sa mga contractual na dalawang ulit nang nare-renew ang kontrata. Batay kasi sa patakaran ng kompanya, hanggang dalawang ulit lamang maaaring kunin muli ang serbisyo ng contractual. Kaakibat ng pagiging IPC ang pagtanggap ng tseke kada linggo batay sa trabahong natapos. Ang kaso, sadyang marami o laging overquota ang dalawa sa aking mga kaibigang IPC, kung kaya matagal pirmahan ang kanilang tseke dahil tila pinagdududahan ang kanilang pagiging mabilis sa pagtatrabaho. Astig. Sa halip na bigyang inspirasyon ang mga manggagawa dahil sa kanilang efficiency, sa kasong ito tila pinagdududahan pa.

Bago ako umalis, naremedyuhan na ang nasabing suliranin. Regular nang ibinigay ang tseke, subalit pinaalalahanan ang aking mga kaibigan na gawin lamang kung ano ang itinakda. Ang problema nga lang, nitong mga huling buwan balik na naman sa dating kalakaran. Astig, di ba?

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

napag-alaman ko ang blog na ito sa tulong ng isang musa at naku, sana talaga andito ka pa para may tutugis sa mga taong walang pakundangan dito=/ a la batman talaga ang dating mo.

nga pala, can i link you? para di na mahirap i-type ang addy mo hehe=)

7:25 PM  

Post a Comment

<< Home