Magtipid, ayon sa gobyerno (I)
August 14, 2005
Dulot ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, nakiusap ang Palasyo sa mga mamamayan na magtipid sa paggamit ng kuryente at langis, upang mabawasan kahit paano ang pagkonsumo ng enerhiya. Ayon sa Malacañang, sila na mismo ang mangunguna sa pagbibigay ng halimbawa sa mga Filipino, sa pamamagitan ng pagpatay ng aircon at pagbabawas ng ilaw nang higit na maaga kaysa nakagawian.
Kasama ng pagbibigay halimbawang ito ang pakiusap ni PGMA na pagsunod ng mga ahensiya ng gobyerno sa Administrative Order 110, na inilabas noong Oktubre 2004 pa. Nakasaad dito ang pagbabawas sa buwanang konsumo ng kuryente ng mga ahensiya ng pamahalaan, sa loob ng tatlong taon simula ng Enero ng 2005, pagbili at paggamit ng mga sasakyan at appliance na energy efficient at paggamit ng alternative fuels. Bukod pa rito, idinagdag pa ng Pangulong baka puwede na ring sumakay na lang ng bike ang mga manggagawa papasok sa kanilang mga opisina, gaya raw ng sa China, at ang pagkakaroon ng carpool ng mga estudyanteng may sasakyan.
Yes, peeps, you read it right. Nakikiusap ang pangulo kung puwede na lang mag-bike ang mga Filipino patungo sa kanilang pupuntahan, o di kaya’y maglakad na lamang kung kaya namang lakarin ang layo.
Sa kanyang panawagan, mahahalatang hindi malay ang ating pangulo sa pang-araw araw na realidad nating mga karaniwang Filipino, dulot ng kanyang pananatili sa kanyang tanggapang de-aircon o di naman kaya’y paglalakbay lulan ng presidential car na aircon din naman. Mag-bike o maglakad papunta sa opisina o eskuwela, sa Pilipinas? Parang may mali yata. Bukod sa mga sasakyang tila mauubusan ng daan kung makipag-unahan sa isa’t isa, sadyang kay rumi ng hangin sa lungsod para hilingin sa mga Filipino na gawin nga ang mga ito. Marahil hindi pa nasusubok ni Madame Gloria ang sumakay sa dyip o bus na ordinary fare upang matikman niya naman ang hangin sa Metro, at hindi lang ang purified at airconditioned na hangin ng kanyang sasakyan at tanggapan.
Para siyang mga opisyal ng LTFRB, na nagtatakda ng mga pasaheng may butal na 35, 45, 55, 65, 85 at 95 sentimos na tila laganap pa ang paggamit ng singko at diyes sentimos sa kasalukuyan. O di naman kaya’y mga may-ari ng naglalakihang malls, na kung hindi 75 sentimos ang itinatakdang butal sa price tag ng mga bilihin, kadalasan ding gumagamit ng 95 sentimos na butal. Alryt sa astig.
Nakatatawang iminumungkahi ng pamahalaan ang mga nabanggit na hakbang na para bang hindi naglabas ang WHO ng resulta ng kanilang ginawang pag-aaral ilang buwan na ang nakararaan, na nagsasaad na sadyang ubod ng taas ng lebel ng polusyon sa hangin ng Metro Manila, higit pa sa maituturing na “tolerable level” ng polusyon. May himala kayang naganap at bumabang bigla, kung hindi man tuluyang nawala, ang nabanggit na air pollution? Para sa mga commuter gaya ko, tiyak mapapansing hindi naman ito nangyari, sa halip lalo pang lumala.
Nakapagtataka tuloy kung ano na ang nangyari sa Clean Air Act, na naisabatas noong panahon pa ni Estrada. May isinasagawa pang emission testing para sa aplikasyon ng rehistro ng sasakyan, o di kaya’y sa renewal nito, pero kay rami pa ring bumibiyaheng sasakyan na tila laging may kabuntot na bagyo dulot ng maitim na usok na ibinubuga. Marahil totoo nga ang sabi-sabi ng ilang drayber, na sadyang pinagkakakitaan lamang ng gobyerno (sa pamamagitan ng registration fee…), o ng ilang kawani ng pamahalaan (…o kaya’y mga bayad na “under the table” o suhol upang makalusot ang sasakyang nagbubuga ng makapal na usok), ang nasabing gawain.
Bukod sa Clean Air Act, dapat din magkaroon ng batas tungkol sa pagbili ng mga sasakyang 2nd hand mula sa ibang bansa, gaya ng mga trak at bus. Itinatapon na ng ibang bansa, tayo pa ang sumasalo at gumagamit. Nakatitipid nga ang mga namumuhunan, kawawa naman ang mamamayan.
Paging DENR Secretary Mike Defensor. Kung tama ang pagkakaalala ko, tungkulin ng DENR Secretary ang pamunuan ang sangay ng pamahalaang may kinalaman sa PAGTATANGGOL SA KALIKASAN. Ang ginagawa kasi ni Defensor ngayon, IPINAGTATANGGOL LAMANG SI GMA mula sa mga kaaway nito sa oposisyon. Ang huling ginawa yata ni Defensor para sa kalikasan ay noong nagkaroon ng matitinding pagbaha sa bansa noong nakaraang Disyembre hanggang mga unang bahagi ng taong kasalukuyan. Dahil sa nasabing trahedya, nagkaroon ng masigabong kampanya laban sa ilegal na pagtotroso. Ewan ko lang kung ano na ang nangyari rito ngayon, kung napagtutuunan pa ng pansin ang nasabing hakbang.
Ngayon, sa tuwing nakikita o naririnig si Defensor sa media, wala nang ibang laman ang kanyang mga pahayag kundi papuri o pagtatanggol kay PGMA. Sa katunayan, kamakailan lamang ay to the rescue na naman ni Madame Gloria si Defensor nang maghain ito ng ebidensiya umano na dinoktor ang kontrobersiyal na “Hello Garci” tape. Wala man lamang malinaw na programang inihahain si Defensor tungkol sa mga nais niyang ipatupad tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalikasan sa bansa. Sana naman sa mga darating na araw, hindi na lamang si GMA ang kanyang ipaglalaban, kundi ang ating kalikasang lubhang nangangailangan ng pansin mula sa mga kinauukulan.
(To be continued)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home