Thursday, September 01, 2005

Gusto mo ng pagbabago?

August 31, 2005

(Basahin habang pilit na inaalala ang theme song ng cartoons na “Captain Planet and the Planeteers”)

Kaninang hapon, tinawagan ko ang numerong puwedeng pagsumbungan tungkol sa paggamit ng mga sasakyang pampamahalaan para sa personal na kapakinabangan ng iilan. Lalaki ang sumagot sa kabilang linya, at bakas naman sa kanyang tinig na handa siyang tumulong at makinig. Inilista niya ang ibinigay ko sa kanyang mga plate number. Ipinaalala rin niyang nararapat isumbong sa kanilang tanggapan ang mga sasakyang may pulang plaka na ginagamit tuwing Sabado at Linggo, o di kaya’y lampas sa alas-5 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes.

Itinanong ko sa kanya kung puwede rin bang magsumbong tungkol sa mga smoke belcher. Sabi niya, puwede raw. Maaari ring ipaalam sa kanila ang mga sasakyang gumagamit ng mga blinker at sirena, o mas kilala sa tawag na “wang wang.”

Bago namin ibinaba ang telepono, Itinanong ko kung puwedeng sa e-mail ko na lang ipadala ang listahan ko ng mga smoke belcher, dahil parang nakapapagod nga naman para sa aming dalawa kung ididikta ko pa sa telepono. Ibinigay na lamang niya ang fax number na maaaring padalhan ng listahan: 7361010.

Mga peeps, panahon na para kumilos. Hindi ko alam kung bumibiyahe kang laging naka-aircon kaya hindi mo napapansin ang karaniwang problemang kinakaharap ng mga ordinaryong commuter, pero marapat nating isiping pare-pareho tayong lumalanghap ng hangin ng lunsod. In one way or another, nilalason ka na rin ng iyong sinasagap na hangin. Please, kailangan ko ng tulong. Kaya ko naisip gawin ito hindi lamang para sa atin sa kasalukuyan, kundi sa mga susunod pang mananahan sa bansang mahal natin. Hindi ko alam sa inyo, pero nangangarap ako at kumikilos upang matiyak na may masasagap pang malinis na hangin ang mga guwapo at magandang anak ko sa hinaharap.

1 Comments:

Blogger xxx said...

This comment has been removed by a blog administrator.

12:09 PM  

Post a Comment

<< Home