Tuesday, September 20, 2005

Students' Enemy Number 1

Students' Enemy Number One

September 16, 2005


Simula pa lamang ng unang semestre ng taong ito, puro na reklamo ang kapatid kong bunso, si Jenny Anne, tungkol sa kanyang mga guro. Paano ba naman, noong mga unang linggo ng pagkikita, hindi nagpakilala ang mga nasabing titser, hanggang sa umabot na ngayong Septiyembre. Wala silang ideya kung ano ba ang pangalan ng mga taong tinatawag lamang nilang "Sir" at "Ma'am," o kung tunay nga bang guro ang mga ito.

Bukod pa riyan, bihira ring pumapasok ang ilan sa mga guro nila. Tuwang-tuwa naman sila dahil may pagkakataon silang gumala sa kung saan saan. Kung may pumapasok man, sadyang nagpapagawa ng mga proyektong walang kaugnayan sa subject.

Case in point: ang teacher nila sa Filipino. Doktor na lalaki raw, at hanggang ngayon hindi pa nila alam ang pangalan. Ang subject nila, Sining ng Pakikipagtalastasan, ang subject ding itinuturo ko. Sa tuwing tatanungin ko ang kapatid ko kung ano na ang pinag-aaralan nila, ang lagi niyang sagot, ewan. Sa tuwing tatanungin ko kung bakit, ang sabi niya wala naman daw kasing itinuturo ang guro, nagpapareport lang nang nagpapareport sa kanila ng kung anu-anong paksa.

Bukod pa rito, may guro raw na hindi nagbabalik ng kanilang mga proyekto, kaya hindi nila alam ang markang nakukuha nila. At sa gawain niyang ito, kay lakas ng loob ng hinayupak na itong magbigay ng markang 6,samantalang 5 na ang pinakamababang marka, ergo bagsak, na maaaring makuha ng isang Tomasino! Sabi ko nga kay Jenny huwag lang siyang magkakamaling gawin ito sa kanya, kundi talagang haharapin ko siya sa UST mismo.

Masakit sa loob ko ang mga ganitong sitwasyon. Una sa lahat, guro rin ako. Hindi ko sinasabing ubod ako ng galing at sipag sa napili kong propesyon, ngunit mapangangatwiranan kong ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang tugunan ang kahingian ng aking trabaho. Nag-aaral ako hindi lamang para sa sarili kong pag-unlad sa akademya, kundi para maging mas maalam din ako at karapat-dapat na magbahagi ng kaalaman sa mga estudyante.

Ikalawa, inutang ko ang pang-tuition ng kapatid ko eh. tumataginting na P35K ang hiniram ko para lamang makatuntong sa first year college ang utol ko. siyempre naman gusto ko sulit ang ibinayad namin, dahil hanggang ngayon P500 pa lang ang naihuhulog ko sa hiniram kong halaga, at matatapos na ang first sem!

Nakakaawa rin ang aking kapatid dahil lagi siyang puyat para lamang matapos ang proyektong nakatakdang ipasa sa susunod na araw. Magdamag siyang nakayuko sa kanyang drawing table, pinagsusumikapang palamutian ng dibuho at kulay ang walang buhay na piraso ng karton. Hindi siya natutulog nang hindi tapos ang gawain, kahit pa ilan na kaming nangungumbinsi sa kanya. Ang masaklap lang pagdating ng kinabukasan, muli niyang iuuwi ang pagkalaki-laking piraso ng illustration board dahil (you guessed it right) hindi na naman pumasok ang guro. Ilang araw niya itong naranasan na tila isang bangungot na patuloy na nambubulabog.

Sabi ng utol ko, may nagpaliwanag daw sa kanila minsan kung bakit hindi pumapasok ang kanilang mga titser. Karamihan daw sa mga ito ay rumaraket, meaning may ibang trabaho, na sadyang mataas ang kaukulang bayad kung ihahambing sa nakukuha nila sa UST.

Anak ng puta! Valid reason na pala iyon para huwag nang pumasok sa paaralan kahit pa naghihintay (gusto kong isiping may mangilan-ngilan pa rin namang nanghihinayang sa oras, pera at kaalamang nasasayang sa tuwing wala ang guro) ang mga estudyante. Ang sabi ko naman, eh di magresign na sila sa pagtuturo at i-full time na lamang ang kanilang ibang trabaho! Tangna, kami rin naman dito sa AdMU, bilang part-time may kaliitan ang sahod. Noong nakaraang semestre nga, naranasan kong tumanggap ng hindi tataas sa P1,500 kada kinsenas, dahil 6 units lang ako sa pagtuturo, at may salary deduction pa para sa 6 units na M.A. subjects. May raket din ako, pero hindi ko pinabayaan ang pagtuturo. Dahil sarili kong pasya ang maghanap ng ibang pagkakakitaan kasabay ng pag-aaral at pagtuturo, ako na mismo ang humanap ng paraan kung paano pagkakasyahin ang aking oras nang hangga't maaari walang isinasakripisyong gawain.

Kagabi, as always alas-2 na ng umaga natulog si Jenny dahil may proyektong kailangang ipasa kaninang umaga. Dahil alas-4 siya ginigising, 2 oras na lamang ang itinulog ng kawawa kong kapatid para lamang matapos ang kanyang ginagawa. Kaninang hapon, dala-dala na naman niya ang illustration board na kagabi lamang ay pinagpuyatan niya sa pagkukulay at pagdidibuho. Hindi na naman daw pumasok ang kanilang guro. Lagi na lang na tuwing may proyektong dapat ipasa, hindi pumapasok ang kanilang mga guro. Tila raw sinasadya upang bigyan pa sila ng panahon para sa kanilang mga gawain.

Umupo siyang muli at nagtrabaho sa kanyang drawing table, habang ipinalalabas sa commercial ng GMA 7 ang feature ng Emergency mamayang gabi, tungkol sa Dequervain's Disease, o ang sakit na naidudulot ng madalas na paggamit ng mga kamay.

1 Comments:

Blogger jayson said...

saktan na yang titser na yan!

4:40 PM  

Post a Comment

<< Home