A. November 27, 19__. Ipinanganak si The Game. November 27, 2005: lihim na naghanda si Mama para sa birthday ko at ni Jenny, siyempre sa pakikipagtulungan ni Hya. Ilang araw bago sumapit ang aming birthday, natunugan ko nang may binabalak siya, gaya na lamang ng pagpunta sa amin para sa araw na iyon kahit pa sabihan ko siyang huwag na. Ang balak ko kasi talaga, walang handaan, pero may kaunting pagsasaluhan. Tapos niyon, magtatrabaho na, dahil ubod ng dami kong kailangang tapusin. Alam kong pupunta siya, pero di ko inaakalang isasama niya ang ilan sa mga kaibigan ko mula noong elementary (ang best friend kong si Rolan), high school (siyempre ang laging maaasahang DX peeps, gaya ni Jayson at Sir Fred), college (sina Bok at Jaypee, maaasahang kaibigan namin ni Hya mula sa AB), pati na rin ngayong nagtatrabaho na ako (si Yol). OO, napagod ako at hindi nakapagtrabaho nang araw na iyon, pero sadyang minsan lang mangyari ang mga ganitong pagkakataon, at sadyang walang kabayaran o kapalit ang saya ko noong araw na iyon. Muli, sa mga pumunta, bumati at lalong-lalo na kay Hya na nag-ayos ng lahat, MARAMING SALAMAT. Sadyang masaya ang pagtanda ng isang taon kung kayo ang kasama kong sasalubong.
B. Pagdating ko sa AdMU noong 1129, may tsokolateng (nalimutan ko ang tatak, pero tiyak na mamahalin) naghihintay sa mesa ko, kasama ang card na pirmado ni VP Intal, pati mga dekano ng 4 na paaralan ng AdMU. Ayos, kay sarap palang maging full-time na guro. Bukod pa rito, may card na pirmado ng mga co-faculty ko. Kasama nito ang isang tula ni Sir Boyet, ang "Mata ng Makata." Sana, araw-araw na lang ang birthday ng tao ano, pero siyempre puwera ang pagtanda. Kahit yung celebration lang.
C. Speaking of full-time, dapat makatatanggap ako ng hamon ngayong Pasko. For the first time ever sana, dahil noong part-time pa ako, mga pastillas yata iyon na nakabalot sa kahon ang natatangap ko. Kaya lang, wala akong matatanggap na hamon ngayong Pasko. Pero okay lang, dahil alam kong may isang pamilya naman ang magkakaroon ng bahay.
D. Hindi tayo third world o developing country, o sick man of Asia. Basta, hindi tayo mahirap. Pinamumukha lang sa ating mahirap tayo para malayang makapangurakot ang mga buwitre sa bansang ito, sabay sabing mahirap/naghihirap tayo. Pero hindi, hindi tayo mahirap.
E. Marami nang mga guro, doktor at nars ang umaalis sa bansa, dala ng walang katapusang krisis. Sabi naman ni labor secretary, wala raw "brain drain" sa bansa. Ayos. Sa halip na ayusin ang problema, pagtakpan na lang. "Perception is reality," ika nga.
F. Ewan ko ba kung bakit sa dinami-rami ng mga anunsiyo sa classifed ad ng mga pahayagan, marami pa rin ang walang trabaho sa bansa.
G. Malungkot pa rin ako sa pagkamatay ni Eddie Guerrero. Nang unang ilabas ang balita sa internet (dumating ang balita sa akin mga alas-9 ng umaga, habang nasa klase ako, courtesy ng isang text mula sa kaibigan), umaasa akong gimik lang iyon, isang bahagi ng kanyang "lying, stealing, cheating ways" gaya ng parati niyang ginagawa sa tuwing siya ay may laban. Nang maglabas ng tribute episode ang mga kapwa niya wrestler, kasabay ng kanilang paghagulgol, umasa pa rin akong buhay si Guerrero, na lalabas siya sa arena sabay sasabihing "I lied!" Pero wala talaga. Patay na si Guerrero. Patay na si Latino Heat. At wala na akong magagawa tungkol dito. At least, sa puntong ito, hindi na nagsinungaling pa si Guerrero. (RIP, bro.)
H. Sadyang nakalulungkot ang kalagayan ng pampublikong edukasyon sa bansa. Ilang taon nang problema ang kakulangan ng pondo na tila ayaw namang solusyonan ng mga kinauukulan. Paano nga bang uunlad ang ating sistema kung ang mga buwitre mismo ng Pilipinas, sa ibang bansa pinag-aaral ang kanilang mga anak? Ibig sabihin, bukod pa sa may pera sila para sa ganitong gawain, sila mismo ay walang tiwala sa pampublikong edukasyon ng bansa.
I. Bakit si Garci pa ang lumitaw ngayong malapit na ang Pasko? Kay rami namang iba, siya pa ang nagpakita.
J. 1209: Tuwang-tuwa ang dalawa kong co-faculty, paano ba naman nakatanggap sila ng grant mula sa NCCA na nagkakahalaga ng P250,000! Narinig ko silang sigaw nang sigaw sa faculty room habang nagsasalin ako ng ilang artikulo ng isang doktor na sablay mag-Ingles. Bago umuwi, tumaya na lang ako sa lotto. Baka nga naman kasi sa mga susunod na araw, ako na ang sisigaw.
K. Bakit ang Filipino paiba-iba ng gamit na wika sa mga mall? Kapag nasa Ali Mall, Starmall, Sta. Lucia, atbp. Filipino ang salita, pero kapag nasa Rockwell, Gateway, Shangri-La at Podium, Ingles nang Ingles kahit kapwa nila Filipino ang kausap? Kawawa tuloy ang mga salespeople na hindi makasagot nang tuwid, ginagawang tanga ng kapwa nila Pinoy. labo.
1 Comments:
yung card na pirmado ng lahat, pang-full time lang ba yun? wala akong natanggap na ganun. nalungkot ako.
Post a Comment
<< Home