May 28, 2004
Hanggang ngayon, binabagabag pa rin ako ng pangitain ng isang lalaking nangingisay sa gilid ng lansangan.
Nangyari ang lahat noong Lunes, Mayo 24, kaarawan ni Mama. Dumalo si Hya (ang aking pinakamamahal) sa nasabing handaan, at sinamahan ko siyang umuwi sa kanila dahil mag-isa lamang siyang nagmamaneho. Binagtas namin ang kahabaan ng Katipunan at lumiko sa U-turn slot paglagpas ng La Vista Village, para makapasok sa kampus ng UP. Nang makaliko na kami sa kanan, mayroon akong nakitang malaking kumpol sa gilid ng lansangan, nangingisay. Maraming tao ang nakapalibot, halata sa kanilang mga mukha ang pagkagulat at pag-aalala. Saka ko lamang namalayang tao pala iyon. Sa unang malas kasi, nagmistula siyang isang plastic ng basura na katatapos lang kalkalin ng asong gala, at nakakita ang aso ng isang piraso ng karneng bakas pa ang katas ng dugo sa kalsada. Sa puntong ito tatawagin ko siyang si X.
Ibinaba ni Hya ang salamin at narinig namin ang palahaw ng mga tao, sumisigaw ng saklolo at nagtatawag ng taksi, kahit pa wala nang dumaraang sasakyan ng gabing iyon. Natataranta ang lahat, hindi malaman ang gagawin sa sugatang si X. Lumingon sa akin si Hya, at sinabing tulungan na lamang namin ang kawawang mama. Nag-alinlangan ako, dahil baka isa itong raket o panlilinlang subalit napasagot na rin ng OO. Agarang isinakay ng kanyang mga kasama si X sa Vitara ni Hya, at nagmadali kaming umalis upang madala siya sa pinakamalapit na ospital.
Habang naglalakbay kami papuntang East Avenue Medical Center, kinausap namin ang dalawa niyang kasama. Ang isa pala, anak niya at pamangkin naman iyong isa pa. Napag-alaman naming nahulog pala si X mula sa sinasakyan nilang dyip nang biglang iliko ng tsuper ang sasakyan papasok ng UP. Habang nakikipag-usap, pinaalalahanan ko ang dalawa na huwag patutulugin si X, dahil sa natamong pinsala sa kanyang ulo.
Pagdating sa East Avenue, dali-dali akong bumaba at pumunta sa Emergency Room upang manghiram ng stretcher o wheelchair. Ipinagbigay-alam ko ang nangyari sa guwardiya, at naglakad siya (tandaan, NAGLAKAD) upang maghanap ng kahit isa man sa dalawang bagay na hinihingi ko. Nang wala siyang nakita, naglakad uli siya pabalik sa kanyang puwesto, at nakulitan siguro sa aking pagtatanong kaya nagpaliwanag siya nang may kataasan ang boses na maghintay na lamang kung may mababakanteng gamit.
Wala kaming nagawa kundi buhatin ang kawawang si X papunta sa ER. Batay sa kanyang laki, may kabigatan ang di-kilalang mama. Walang bakanteng higaan o doktor sa nasabing silid, kung kaya’t inilapag na lamang muna namin si X sa sahig. Nagpaalam ako sa kanyang mga kamag-anak at labis naman ang kanilang pasasalamat.
Pareho kaming naluha pauwi ng Fairview: si Hya, dahil sa pag-aalala sa kapakanan ni X, ako naman gayon din, dagdag pa ang kabigatan ng loob dahil sa aking pagdadalawang-isip. Mabuti na lamang at kumilos si Hya at nagpasyang tumulong, dahil kung hindi, malamang masama ang kinahinatnan ni X dahil sa aking pagdududa.
Nangako ako kay Hya na dadalawin si X bukas upang tingnan ang kanyang kalagayan. Paggising ko noong umaga, tumawag muna ako sa ospital at nadismaya dahil hindi ko na pala siya makikita, dahil hindi ko alam ang kanyang pangalan. Sabi ng kausap ko sa telepono, mahihirapan daw akong matunton ang aking hinahanap kung wala akong pangalang maibibigay.
Natanggal na ang nanuyong dugo sa sasakyan ni Hya, subalit sa aking kalooban, may nananatili pa ring mantsa; mantsa ng pagdadalawang-isip at pagdududa sa kapwa, samantalang bayani o hero ang tingin ko sa sarili, gaya ng mga super heroes na matagal ko nang hinahangaan. Nalimutan kong ang kabayanihan ay hindi lamang nakabatay sa patuloy na pagbili at pagbabasa ng comics, o di kaya sa panonood ng mga pelikula at serye sa TV. Nasusukat ito sa di-makasariling pagkilos para sa kapakinabangan ng kapwa at ng mga lubusang nangangailangan. Mabuti na lamang, sa pagtatagpo ng bungo at kongkreto, may kabayanihang lumitaw, hindi nga lamang sa akin.