Wednesday, September 20, 2006

3D (Dad, Dave Batista and the Dog Laika)

1. Noong bata pa lamang ako, pangarap kong maging wrestler. Totoo, walang stir. Dahil KSP ako, ang laking paghanga ko sa mga wrestler na talaga namang pinapalakpakan at isinisigaw ng fans ang pangalan. Idagdag pa rito ang multi-media exposure na kanilang natatanggap, kahit pa bunyag na ang sikretong scripted ang lahat sa wrestling. Bukod pa rito, ito lang yung sport na gusto ko kung saan legal ang pananakit sa kapwa; di gaya ng boxing o mixed martial arts, sa wrestling may kuwento ang bawat alitan, may theme music, pyrotechnics at entrance video ang mga wrestler (mas buhay o mas spectacular kumbaga), at sadyang tinatangkilik ng mga tagahanga ang mga merchandise na related sa kanilang mga hinahangaan.

Noong February nang pumunta ang WWE dito sa bansa para sa Raw Live Tour sa Araneta, pinalad akong manalo sa contest kaya naman nakakuha ako ng libreng tiket at pass para sa Meet and Greet (si Big Show ang representative na ipinadala ng WWE); naisama ko pa si Hya sa nabanggit na event. Bago ito, naisama ako nina Julius at Maylene sa Meet and Greet Mick Foley dati sa Gateway Mall noong Disyembre, kahit pa exclusive lamang para sa mga media-affiliated na empleyado ang naturang event. Sa parehong pagkakataon, habang nasasaksihan ko ang dalawang wrestler na pinapalakpakan, isinisigaw ang mga pangalan, nagpapakuha ng larawan para sa mga fan at pumipirma ng iba-ibang memorabilia, talaga namang nainggit ako at nabuhay muli ang aking pangarap na maging wrestler.

Nang pumunta naman ang Fil-Greek wrestler na si Batista dito noong mga unang linggo ng September para i-promote ang SmackDown Survivor Series Tour sa October, pinalad din akong manalo muli ng pass para sa isang Meet and Greet event. Pabiro (na may halong katiting na seryosong pagmumuni-muni) kong sinabi sa sarili na marahil ito ang sign na hinihintay ko, na baka ang maging wrestler talaga ang tadhana ko. Ibinahagi ko ang naturang biro kay Mama, may dramatic pang panimula na "ma, may sasabihin ako sa'yong importante, pero sana suportahan mo ko sa desisyon ko." Nang mahiwatigan kong nabingwit ko na ang kanyang atensiyon, saka ako bumanat na "nanalo muli ako sa contest na wrestling-related, gaya nung February. Sa tingin ko tadhana ko talagang maging wrestler. Ma, sa pagbalik ni Batista sa America sasama na ako, magpapakilala na ako kay Vince McMahon (may-ari ng WWE, for the uninitiated) at sasabihin sa kanya ang desire ko na maging wrestler. Huwag kang mag-alala, mag-iingat naman ako at scripted naman ang wrestling kaya hindi gaanong mapanganib. Maaasahan ba kita ma sa aking hiling?" Sinambit ko ang mga iyon habang nagpe-flex ng aking mga muscle (meron, sa maniwala ka man o hindi) sa harap ng salamin. Siyempre, isang tawang rinig hanggang kabilang subdivision at sa sobrang lakas ay umaalulong ang mga aso sa aming lugar ang isinukli ng aking mahal na ina, at sa paghupa ng kanyang tawa saka niya sinambit ang kanyang Solomonic statement na umaapaw sa karunungan: "Gago, itigil mo nga yang mga kalokohan mo. Bumaba ka na't maghain nang makakain na tayo. Gutom lang yan." (Mothers know best, indeed)

2. "Because I did not finish my education, my options in life were limited... Make a living with your brain, not with your body."

Kung akala mo galing ang naturang pahayag sa isang gigolo o prostituted woman, nagkakamali ka. Si Batista mismo ang nagbitiw ng statement na iyon sa isa sa kanyang mga TV guesting, nang tanungin siya tungkol sa kanyang maipapayo sa mga batang nagnanais maging wrestler. Bakit ko kailangang banggitin ito? Well, I guess this is my wake-up call. Hindi talaga wrestling ang para sa akin, so itutuloy ko na lang ang pagiging fan at kolektor ng memorabilia. Nasa right path naman na ako. Kahit pa may katawan at hitsura akong bagay na bagay talaga sa mundo ng professional wrestling (huwag kang tatawa o aangal kung ayaw mong masaktan!), ayon nga sa aking idol, hindi ito ang dapat kong gamitin sa paghahanapbuhay. Well said, Batista, very well said.

3. Sa wakas naisama ko na ang tatay kong makapanood ng live na pagtatanghal ng WWE. Naaalala ko kasi dati noong 90's kung kailan unang dumayo rito ang WWE, nasa Farmer's Plaza kami noon namamasyal. Nang makita namin ang Araneta Coliseum, sinabi sa akin ng tatay ko, "diyan Son maglalaban yung mga wrestler." Agad ko siyang niyaya na pumila na at baka maubusan pa kami ng tiket (dahil buong akala ko manonood talaga kami kaya niya iyong sinabi sa akin); ang kanyang sinagot? "Gabi na pala. Tara uwi na tayo." Malinaw pa sa isipan ko kung paanong hawak niya ang kamay ko habang naglalakad patungo sa sakayan ng bus sa EDSA, at palingon-lingon naman ako sa unti-unting lumiliit na view ng Araneta.

Bago pa kami nakapanood nitong October, paniwalang-paniwala pa rin siyang totoo ang bakbakang nangyayari sa ring. Siya ang color commentator sa bahay; sa bawat suntok, sipa, finishing move ng mga wrestler meron siyang sinasabi: "Oooh, sakit nun!," "Pucha, parang ayaw nang buhayin ah!," "Kung ako lang nandiyan, hindi ko na bibitiwan (insert either binti or braso here) hanggang sa tuluyang mapilayan!," "Buhay ka pa ah!"

Matapos ang aming October experience, nag-iba na ang kanyang tono; hindi na siya ang dating color commentator. Halos maaabot na niya ang estado ni Roland Barthes sa pagbabasa ng "wika" ng wrestling. Para na siyang kritiko na binabatikos ang panlilinlang ng palabas na iyon. Ang dati niyang pagkamangha, napalitan na ng pagkamuhi, na kesyo niloloko lang naman pala kami ng wrestling, na nag layo-layo naman ng suntok o sipa at hindi naman tumatama and yet bakas sa mukha ng wrestler ang "sakit" na dulot nito, etc. Sa tuwing tatanungin naman siya kung okay lang bang patayin na lang ang TV tutal niloloko lang naman pala kami, tatahimik siya sandali bago manuligsa na naman sa mga susunod na laban.

And to think ako ang naexcite na makapanood siya ng live na wrestling.

4. Katatapos ko lang basahin ang "Sputnik Sweetheart" ni Murakami. Hindi na ako gagawa ng review sapagkat marami naman nang nabanggit tungkol sa kanya at sa kanyang mga akda. Ang masasabi ko lang, nalungkot ako nang todo... dahil sa epigraph sa pagsisimula ng nobela, kung saan sinipi niya ang isang artikulo tungkol sa Sputnik II at ang lulan nitong aso, si Laika. Hindi na pala ni-retrieve ang satellite mula sa orbit, at siyempre mag-isang lumutang-lutang si Laika sa walang hanggang kadiliman. Isang linggo na nang mabasa ko ang epigraph subalit hanggang ngayon, mabigat pa rin ang loob ko kaiisip kung ano kaya, ano kaya, ANO KAYA, ang iniisip ni Laika nang mga oras na iyon, ano kaya, ano kaya, ANO KAYA, ang kanyang nararamdaman?

Monday, September 11, 2006

September 9, 2006

The Game and The Animal



After a heated feud in the squared circle back in 2005, The Game (with beloved nephew Dmitri) and The Animal once again face off, this time in Gateway Mall Cubao. Pardon the blurry image, you can't expect anything good to happen when two egos clash; the feud may be over but Batista remains UNFORGIVEN (eh di siyempre may plugging para sa susunod na PPV ng WWE).

Thursday, September 07, 2006

Ito ang semi-revised version ng papel na binasa ko noong nakaraang Sawikaan 2006.

Sa Makati at Divisoria, charger ang Hanap Nila (dahil Lobat Sila)
ni Jelson Estrella Capilos, Ateneo de Manila University

Slang is the plain man’s poetry.
- Earle Welby

Inbox
Case number 1: Nagkaroon ng alitan ang magkasintahang si Bruno at Criselda ilang araw bago ang nakatakdang pagdiriwang ng kanilang anibersaryo. Dahil dito, hindi na muna nakipagkita ang dalaga sa kanyang nobyo nang sumapit ang araw na iyon. Napagpasyahan ni Bruno na magpakumbaba at makipagbati na kay Criselda. Hinanap niya sa memory ng kanyang cell phone ang entry ng kanyang “Honey,” sabay pindot sa “Call” button. Wala siyang narinig na ring sa kabilang linya. Tiningnan niya ang screen, at nanghina siya sa kanyang nakita…
Case number 2: Kanina pa nakatutok sa TV si Inday. Hindi siya kumukurap habang pinanonood ang paborito niyang programa tuwing tanghali. Inaabangan niyang banggitin ng host ang numerong maaari niyang tawagan upang makamit ang isang milyong piso na ipinamimigay ng naturang programa. Hindi man niya makuha ang jackpot, umaasa siyang kahit paano ay makakuha ng isa sa napakaraming consolation prize na ipinamimigay rin. Pagkabanggit na pagkabanggit ng host sa numero, mabilis na nag-dial si Inday. Itinutok niya agad sa tenga ang cell phone. Nagtaka siya dahil walang ring sa kabilang linya; kung sakali mang naunahan siya, tiyak busy sana ang maririnig niya. Tiningnan niya ang screen, at napailing na lamang siya sa nakita…
Case number 3: Nakidnap si Gloria. Pagkalabas niya ng opisina, bigla siyang sinunggaban ng tatlong lalaki at isinakay agad sa van. Pagdating sa hideout, agad siyang tinalian ng mga suspek at iniwan sa isang silid. Dahil maparaan siya, nagawa niyang palayain ang kanang kamay at agad niyang kinuha ang cell phone na nakasukbit sa kanyang baywang. Umaasa siyang makatawag sa kanyang pamilya o kaibigan upang makahingi ng tulong, o di kaya’y matunton ng mga ito ang kanyang kinaroroonan dahil sa high tech na track finder program na naka-install sa kanyang cell phone. Hahanapin pa lamang niya sa kanyang phonebook memory ang numero ng kanyang mga kakilala nang may nakita siya sa screen. Napayuko na lamang si Gloria at nawalan ng pag-asa…
Higit sa mga mensaheng “message sending failed,” “check balance inquiry,” at “message not sent, try again later,” malaking dahilan ng pag-aalala para sa sinumang may cell phone ang paglitaw sa screen ng babalang “battery low,” lalo pa kung susumpungin ang cell phone sa mga alanganing lugar, kung saan walang matatagpuang charger. Gaya ng mga ibinigay na halimbawa sa itaas, malaking abala ang ganitong pangyayari lalo na sa mga taong may mahalagang gagawin gamit ang kanilang cell phone. Sa mga panahong nakasalalay ang buhay, suwerte o di kaya’y ang mga ugnayang personal o propesyunal sa isang tawag o text, maituturing na sumpa ang paglitaw ng naturang mensahe, na may kasama pang imahe ng baterya na may aalon-along likido sa loob, tila ba lalong nangungutya. Sadyang kataka-takang katawanin ng nasabing pagkilos ang malapit nang maubos na enerhiya ng baterya, ang napipintong kamatayan ng cell phone.
Mula sa babalang “battery low,” naimbento ng Filipino ang “lobat” upang tukuyin ang baterya ng cell phone na malapit nang maubos ang enerhiya, gayon na rin bilang slang na tumutukoy sa kawalan ng gana o lakas, matinding pagod o panghihina ng isang indibidwal, lalo na pagkatapos ng isang nakapapagod na gawain, o di kaya’y ang pagdanas ng isang mahirap na sitwasyon. Tatalakayin sa papel na ito ang pinag-ugatan ng salita, ang paggamit nito sa konteksto ng Filipinas, gayon din ang implikasyon ng salitang ito sa pangkalahatang impluwensiya ng cell phone sa pang-araw-araw na karanasan ng mga Filipino.
Opening…
Hango ang salitang lobat sa “battery low,” ang paalalang lumalabas sa screen ng cell phone kapag kailangan na itong i-recharge. Ang baterya ang tumutukoy sa maliit na aparatong nagbibigay enerhiya sa cell phone para mapakinabangan ang iba-ibang feature nito, at ang low naman sa paggamit na ito ay nangangahulugang “malapit nang maubos, o kulang na.”

Sa konteksto ng Filipinas, ginagamit ang lobat upang tukuyin ang baterya ng cell phone na kailangan nang i-recharge. Bukod pa rito, ginagamit na rin ang pagpapahayag na ito upang ilarawan ang kawalan ng gana o lakas, at pakiramdam ng matinding pagod o pagkahapo pagkatapos ang mahirap na gawain, o di kaya’y matapos makaranas ng isang suliranin o paghihirap na talaga namang nakauubos ng lakas.
Sending…
Ayon sa pinakabagong tala ng National Telecommunications Commission para mga unang buwan ng 2006, tinatayang 42.5 milyong Filipino ang nagmamay-ari ng cell phone, o lagpas sa kalahati ng buong populasyon. Sa ganitong kaso, hindi maikakaila ang impluwensiya ng cell phone sa pang-araw-araw nating pamumuhay: sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao, mga kapamilya’t kapuso, cell phone ang gamit; sa paglahok sa iba’t ibang patimpalak o pagboto sa ilang piling palabas sa TV, cell phone ang gamit; maging sa larang ng politika, maituturing ding mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng cell phone, mula sa simpleng pagpapahiwatig ng reklamo sa mga sangay ng pamahalaan, hanggang sa paglulunsad ng mga kilos protesta.

Ilan lamang ang mga ito sa nakagawiang paggamit sa cell phone. Dahil sa kahalagahan nito sa ating pang-araw-araw na karanasan, hindi na lamang ito nagsisilbing instrumento ng komunikasyon, kundi isang parte na rin ng maituturing nating kulturang popular, ginagamit at pinakikinabangan sa iba’t ibang paraan, depende sa pangangailangan ng tao. Ayon nga kay Jean Baudrillard,
A single function of an object may in turn become specific in a variety of forms- which brings us into that realm of “personalization,” of formal connotation, where the inessential [kung ano ang nangyayari sa bagay sa tuwing ginagamit ito upang tugunan ang mga pangangailangang sosyolohikal at sikolohikal] holds sway.

Dahil dito, nagbabago ang pagpapahalaga sa mga bagay mula sa simpleng teknolohikal na aspeto nito patungo sa kultural na aspeto:
Each of our practical objects… is in perpetual flight from technical structure towards their secondary meanings, from the technological system towards a cultural system.

Samakatwid, ginagamit natin ang cell phone sa kung paano natin ito nais gamitin, tungo sa mga tiyak na tunguhin kahit pa hindi na ito ang orihinal na tungkulin ng naturang gamit. Ayon kay Michel de Certeau,
Users make innumerable and infinitesimal transformations of and within the dominant cultural economy in order to adapt [an object] to their own interests and their own rules.

Mapatutunayan ito sa mismong SMS (short messaging service) o text: kilala ang Filipinas bilang “texting capital of the world” dahil sa tinatayang 150 hanggang 200 milyong mensahe na ipinadadala sa pamamagitan ng text, ang pangunahing gamit o silbi ng cell phone bilang paraan ng komunikasyon. Ito na ang madalas gamitin ng mga Filipino dahil mas tipid ito kaysa tawag, kahit pa noong una nilayon lamang ang feature na ito para sa mga pipi at bingi. Ayon muli kay de Certeau:
Everyday life invents itself by poaching in countless ways on the property of others.

Bukod pa rito, maaaring sabihin na naiangkop na sa pang-araw-araw na karanasan ang mga bagay na may kinalaman sa cell phone, kabilang na ang mga terminolohiyang may kaugnayan dito. Halimbawa, “kitikitext” ang tawag sa taong text nang text (para bang kiti-kiti na hindi mapalagay, pero sa kasong ito mga daliri lamang ang aktibo). Sa mga sinehan o teatro, bago magsimula ang palabas pinaaalalahanan ang mga manonood na “observe phonethics” (pinagsamang “phone” at “ethics,” tumutukoy sa wastong paggamit ng cell phone nang hindi nakaaabala sa kapuwa). Kung dati, “don’t drink and drive” lang ang paalala sa mga motorista, ngayon mayroon na ring “don’t text and drive.” Ngayong panahon ng krisis, maaari na ring bumili ng patingi-tinging cell phone load sa pamamagitan ng “autoload,” “e-load,” “x-press load,” “pasaload,” at “share-a-load.” Bukod sa nabanggit, isang paraan din ng pagtitipid ang pagtangkilik sa mga promong “unlimitxt” o “unlimited call” (mga text o tawag na mas mura ang halaga kumpara sa iba kaya mapagkakamalang sadyang mas marami ang maaaring ipadala o tawagan sa parehong halaga ng karaniwang load).
Gaya ng mga naunang halimbawa, wala pa rin sa diksiyunaryo ang salitang “lobat.” Sa mga diksiyunaryo ng Ingles na slang at idiomatic expression, may lowbrow, low blow, lie low, low comedy, low class, low down, atbp., ngunit walang lobat. Ito rin ang kaso sa mga online dictionary ng slang, maliban na lang sa klockworx.com, kung saan nakatala ang “lo bat,” inilahok ng isang user na nagngangalang “KX” noong ika-25 ng Abril, 2003; “pagod o mahina na” ang isinumite niyang kahulugan.
Bilang slang o salitang balbal, hango ang salita mula sa “battery low,” pinaikli lamang at nilapatan ng tinatawag ni Harold Conklin na “baliktad,” o ang pagpapalit ng baybay o pantig bilang bahagi ng tinagurian niyang “Tagalog speech disguise.” Sang-ayon dito si Herminia Meñez nang tukuyin niya sa isang sanaysay na ang “transposition of syllables” ang isa sa mga paboritong paraan ng paglalaro ng salita o paglikha ng slang sa Filipinas, gaya na lamang ng mga mababasang mensahe sa loob ng jeepney.
Maaaring ituring na sariling atin ang “lobat” bilang slang sapagkat kapansin-pansin dito ang praktis ng Filipino kung pagbabatayan ang mga unang nabanggit: inuna ang salitang “low” mula sa battery low, at pinanatili lamang ang unang pantig ng salitang “battery.” Dahil dito, naging “kaibang-kaiba na at halos hindi na makilala” ang mensaheng hango sa Ingles. Kung sakali mang gawing “low battery” ang buong pahayag, atin pa rin itong maituturing sapagkat sa Ingles, “flat battery” ang katanggap-tanggap na katumbas ng bateryang nangangailangan nang i-recharge. Para naman tukuyin ang pakiramdam ng kawalan ng gana o lakas, o pakiramdam ng matinding pagod, sapat na ang salitang “low” sa Ingles na slang o idyomatikong pagpapahayag.
Paano at bakit nga ba nabubuo ang mga ganitong uri ng pagpapahayag? Ang slang ay isang uri ng “personal mode of speech…whose popularity has increased until a large number of the general public uses or understands them.” Nagmumula ito sa mga espisipikong sitwasyon, galing sa
[a] group that must either be very large and in constant contact with the dominant culture, or be small, closely knit, and removed enough from the dominant culture to evolve an extensive, highly personal, and vivid vocabulary.

Sa kaso ng lobat, mahihiwatigang nagmula ito sa dominant culture na nagmamay-ari ng cell phone, batay na rin sa nabanggit na tala mula sa NTC. Dahil nga bahagi na ito ng pang-araw-araw na karanasan ng mga tao, hindi maiiwasang maiangkop na sa pang-araw-araw na gawain hindi lamang ang mismong cell phone, kundi maging ang mga bagay na may kaugnayan dito. Mula sa espisipikong sitwasyon (ang pagmamay-ari at paggamit ng cell phone), umuusbong ang slang sa pagbabago ng kahulugan ng mga salita, o di kaya’y paggamit ng mga ito sa ibang pamamaraan.

Kung gayon, hindi na lamang ang mismong baterya ang tinutukoy ng lobat, kundi maging ang taong wala nang lakas o enerhiya matapos ang isang nakapapagod na gawain. Kung magkokomento ang isang tao na “lobat na ako,” maaaring mangahulugan ng dalawang bagay ang kanyang pahayag: una, posibleng tinutukoy ng tagapagsalita na malapit nang mamatay ang kanyang cell phone, o pangalawa, marahil inilalarawan na niya ang nararamdamang pagod o panghihina.

Sa pangalawang gamit, napakalaki ng implikasyon nito sa kung paano tinitingnan ng indibidwal ang kanyang sarili. Sa tuwing lobat ang cell phone, may mga feature na hindi muna mapakikinabangan pansamantala, dahil nga kulang ang enerhiyang maibibigay ng baterya kung ikukumpara sa kakailanganin ng mga nabanggit na feature. Mahirap magpadala ng text sa tuwing lobat ang cell phone. Hindi ka makakukuha ng larawan o video kung lobat ka. Hindi ka makatatawag kung kailangan nang i-recharge ang iyong baterya. Lagyan mo man ng headphone ang iyong cell phone, hindi ka makapakikinig ng FM o mp3 kung lobat ka. Kung tao ang tutukuyin, tila inihahambing na niya ang kanyang sarili sa isang makina sa pagsasabing “lobat na ako.” Kung paanong napaparalisa pansamantala ang ilang feature ng cell phone, gayon din ang pagkaparalisa ng tao sa tuwing nakadarama siya ng matinding pagod; nagdurusa ang indibidwal (bukod sa kalusugan, napababayaan na rin niya ang kanyang hitsura) gayon din ang kanyang mga kaibigan at mahal sa buhay. Ilang patalastas na rin sa media ang tumutukoy rito, kaya nga usong-uso sa kasalukuyan ang mga bitamina, food supplement at energy drink bilang lunas sa pagiging lobat ng mga indibidwal.

Hindi maiiwasan ang ganitong paghahambing ng indibidwal sa kanyang sarili sa isang makina dahil hindi maikakailang ganito naman talaga ang kanyang ginagampanang tungkulin sa lipunan sa kasalukuyang panahon. Para sa mga sociologist at behavioral scientist, dehumanisasyon ang tawag nila sa ganitong pananaw ng tao sa kanyang sarili, dulot na rin ng kasalimuotan ng buhay sa pagsisimula ng modernong panahon.

Ayon sa mga mananaliksik, ang pag-usbong ng sibilisasyon ay nagbigay bunga rin sa mga suliranin. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng dibisyon sa paggawa, gayon na rin ang pagsisimula ng paggamit ng makina sa larang ng produksiyon noong panahon ng Industrial Revolution. Nagdulot ito ng trauma sa mga tao, sapagkat kung dati kalikasan at panahon ang batayan ng buhay ng tao, ngayon mga makina na, sa pangunguna ng paglalagay ng mga orasan sa mga liwasan sa Europa. Ayon kay Lewis Mumford, “[the appearance of the clock] commenced its inexorable regulation of the cycles of life and labor, in direct conflict with the natural and immemorial rhythms of the seasons and of the earth’s own movement around the sun- the obsolete imperatives of the agrarian world.” Dagdag ni de Certeau, “the status of the individual… diminishes in proportion to the technocratic expansion of [technological] systems.” Para kina Montagu at Matson, technological dehumanization ang tinawag nila sa ganitong kalagayan kung kailan nagiging robot na sa pagkilos ang mga tao, dulot na rin ng mga kahingian ng isang lipunang kapitalista at industriyalisado.

Dahil sa ganitong kasalimuotan ng modernong pamumuhay kaya mahalaga ang slang na lobat. Oo, ang paggamit nito ay sintomas ng mga suliraning dulot ng modernisasyon sapagkat inihahambing na ng tao ang kanyang sarili sa isang makina; ngunit kung susuriin, sa paulit-ulit na gawain ng indibidwal sa kanyang trabaho na wala na siyang ipinagkaiba sa robot o makina, makatutulong ang slang

[T]o escape the dull familiarity of standard words, to suggest an escape from the established routine of everyday life… The sheer newness and informality of certain slang words produces a pleasure.

Dagdag pa ni Alan Dundes at Carl Pagter na binanggit ni Meñez sa kanyang sanaysay, “While urban life may produce alienation, it also generates urban folklore to help make the ills and pressures of modern society just a little bit more bearable.”
Message Sent
Kapansin-pansin ang impluwensiya ng cell phone sa pang-araw-araw na karanasan ng mga Filipino. Naging mahalagang bahagi na ito hindi lamang ng komunikasyon natin sa isa’t isa, kundi pati na rin sa napakarami nating gawain. Kaya naman hindi maikakailang mahalaga ang salitang lobat sa ating konteksto, sapagkat ayon nga sa kasabihan, “aanhin pa ang load na sanlibo, kung lobat naman ang cell phone mo?” Wala na marahil mas gaganda pang halimbawa hinggil sa kahalagahan nito kundi ang mga nagsulputang recharging station sa ilang piling mall sa bansa.
Sa pagkakabuo ng salita at ang kaakibat nitong kahulugan, tayo-tayo lamang sa bansa ang nakauunawa nito, lalo na tayong mga nagmamay-ari ng cell phone. Kaya atin itong maituturing dahil gaya nga ng mga nailahad, may mga tiyak at mas wastong katumbas na sa Ingles na slang ang mga tinutukoy ng salitang lobat. Magiging mali, kung gayon, sa pananaw ng banyaga ang naimbento nating salita. May sinabi si de Certeau tungkol dito:
As unrecognized producers, poets of their own acts, silent discoverers of their own paths in the jungle of functionalist rationality, consumers produce through their signifying practices…”indirect” or “errant” trajectories, obeying their own logic.

Nagsisilbi mang sintomas ng suliranin ng modernisasyon ang paggamit ng salitang ito sa pagtukoy sa pagod o panghihina ng tao, maaari rin itong ituring bilang halimbawa ng pagkamalikhain ng Filipino. Sa ganitong paraan, kahit paano naiibsan ang pagod dulot ng ating mga gawain sa araw-araw. Kung muling babalikan ang mga sinabi ni Baudrillard at de Certeau, may mga tiyak na gamit ang cell phone, maging ang mga salitang may kaugnayan dito, subalit hindi nangangahulugang hindi natin maaaring gamitin ang mga ito sang-ayon sa ating nais upang tugunan ang mga tiyak na layunin, kahit pa hindi naman ito ang orihinal na gamit.