Wednesday, May 24, 2006

TANGNANIYONGLAHAT

Okay, I know, hindi ito ang nararapat na entry isang araw bago ako umalis palabas ng Pinas. Hindi ko lang kasi talaga maiwasang mairita sa tuwing nagbibiyahe ako saan man sa bansa (lalo na yung biyaheng Rizal-QC at pabalik) dahil sa dami ng mga nagkalat na streamer at tarpaulin, starring your friggin' politicians. Tama na ang pananahimik, kailangan nang ilabas ang nararamdaman.

Mula sa mga pagbati ng Mother's Day, Congratulations, Merry Christmas, Happy Fiesta, at kung ano-ano pa hanggang sa pag-aanunsiyo na sila ang may pakana ng pagpapasemento, pagpapailaw, pagpapaaspalto, pagpapatayo ng kung ano ano sa lunsod na PARA BANG SARILI NILANG PERA ANG GINASTA, tadtad ang lungsod ng mga paalala hindi ng pagtatrabaho ng mga lintik na politikong ito, kundi kung paano nilang ginagastos sa mga walang kuwentang bagay ang pera ng bayan. Tangna, nadagdagan ba ang budget ng mga ina o nailigtas ba sila sa pang-aabuso ng kanilang mga asawa sa pagbati nila ng "Happy Mother's Day"? Nabigyan ba nila ng trabaho (mga college students, duh) o pangmatrikula (elementary at high school students, double duh) ang mga binati nila ng "Congratulations, Graduates"? Nakadama ba ng kahit kaunting ginhawa ang mga mamamayang hirap na hirap makahanap ng pagkain sa araw-araw sa pagbati ng mga politiko ng "Merry Christmas"? Naging maayos ba ang traffic dahil sa pagpapabakbak, pagpapasemento o pagpapaaspalto nila ng iba't ibang ESKINITA o MINOR thoroughfare?

Ramdam na ramdam na election fever is in the air dahil sa pagdami ng mga tarpaulin sa lungsod. Hindi lang iyon, dumarami rin ang mga lansangang BINUBUNGKAL kahit walang sira para ipasemento o ipa-aspalto uli. Tingnan na lamang ang nangyayari ngayon sa QC: Dati, okay na si Mayor na magpaskil ng mga anunsiyong mukha at pangalan lang niya ang bida; ngayon, may kasama nang pangalan ng LAHAT ng mga councilor na hindi naman mahirap paghinalaang tatakbo kasama niya sa ilalim ng iisang partido. At nakapaskil ang mga ito sa iba't ibang kalsadang pinagbababakbak na akala mo lumipat na ng mining operation sa lungsod ang mga kompanya ng pagmimina sa probinsiya. Saan ka pa, hindi ba? Magkano kaya ang ginastos para sa mga nabanggit na tarpaulin, gayundin sa pagsira ng mga lansangang napakikinabangan pa naman sana? Baka ilang bata rin ang nabigyan ng scholarship, o kahit isang pamilya sa squatter's area ang nabigyan ng disenteng tirahan sa isang disenteng relocation site.Posible ring nakapagpatayo ng ilang karagdagang kuwarto sa mga public school, o kahit paano napagbuti ang serbisyo sa ilan sa mga barangay health center.

TANGNANIYONGLAHAT. Yan, yan ang gusto kong ilagay sa mga tarpaulin at ipaskil sa iba't ibang lugar. Yan ang mensaheng dapat mabasa ng mga lintik na politikong ito na mahilig sa mga false felicitation. The same goes for YOU too, you squatter. Itigil na ang pagpapaskil tungkol sa " _ _ _ Cares" at ng "This is where your E-Vat goes." Kung talagang nagmamalasakit ka (in the first place, hindi nga rin pala malinaw kung SINO o ANO ang pinagmamalasakitan mo kaya nakalulusot ka pa), ipapatatapyas mo nang bahagya ang kapal ng iyong mukha, bababa ka at magpapatawag ng snap election. At hindi mo na kami maloloko sa kung saan talaga napupunta ang nalilikom na buwis. Kung gaanong ang kakapal ng mukha niyong mga politiko, ganun din kalalalim ang mga bulsa niyo't kaloob-looban na nangangailangan ng konsensiya't kaluluwa.

TANGNANIYONGLAHAT. Really, TANGNANIYONGLAHAT.

(ayan, at lease magaan-gaan ang pakiramdam ko bago bumiyahe. Astig.)
Terror pala, ha


Ngayong tapos na ang summer class (at least para sa Fil 12 class ko), nais ko lang magsabi ng SALAMAT sa mga estudyante kong nakasama mula Abril hanggang Mayo. Nakapapagod man ang araw-araw na pagtuturo mula 9 am hanggang 430 pm, ang walang-hanggang consultation para sa mga papel, ang pagmamadaling makapagwasto at makapagbalik ng mga papel, ang ilang hakbang na kailangang gawin upang pumunta sa mga klaseng nasa magkakaibang gusali at palapag sa init o lamig man ng panahon, sulit naman ang lahat dahil sa impormasyon at tawanang pinagsaluhan natin sa bawat pagkikita. Sana naging sapat ang mga natutuhan natin mula sa isa't isa para sa mga susunod pang hamon ng buhay sa akademya na ating haharapin.

NAGPAPASALAMAT din ako kina Mathew, Chris at Spyke, mga minor in Capilos Studies (9 units na kasi kaming nagsama), dahil sa regalong ibinigay nila kahapon. Matapos ang 3-430 class ko, naghintay pa sila upang ibigay lang sa akin ang 2 DVD ng Golden Boy na anime, at isang CD na nang buksan ko, naglalaman ng mga kanta mula sa mga artist na inilista ko sa Friendster profile!!! Ang balak pa nga nila, irerecord daw sana nila ang "Gloria" kaya lang wala silang nahagilap na minus one ng "Narda." Maraming salamat talaga sa inyong pagsusumikap, kahit pa kabilang kayo sa mga klaseng nakaranas na matawag ni The Game na mga "zombie," "jabroni," "pangit," at masabihan ng "bumili muna kayo ng iodized salt." Muli, maraming maraming salamat. Astig!

Lastly, SALAMAT din sa mga naging estudyante ko ilang sem na o taon ang nakalipas subalit laging may handang ngiti at pagbati sa tuwing nakikita ako. Again, nakapapagod man ang 12 units ng pagtuturo para sa summer classes, naiibsan ang lahat ng pagod sa tuwing may tatawag ng pangalan ko, ngingiti, babati, mangungumusta, magbibiro, at kung ano-ano pang pagpapaalala sa akin na kahit paano, may mga estudyante rin naman palang nakaaalala sa kanilang mga guro. Para naman dun sa mga nagta-Tupperware lang sa pagbati o pagngiti (madali namang malaman, di ba?), SALAMAT din dahil kahit ilang segundo, naisip mong karapat-dapat akong pag-aksayahan ng iyong huwad na ngiti o pagbati.

Hanggang dito na lang muna, lilipad muna si The King of Kings sa Singapore para magpakitang gilas.

Thursday, May 11, 2006

BUHAY PA AKO

Sa mga nagtitiyagang bumisita, sorry walang update. busy sa araw-araw, 9 AM-430 PM na turo, paghahanda para sa pagpunta sa Singapore for a conference, at ilan pang mga bagay. honest, kapag naayos na ang lahat, tuloy muli ang ating awitan hanggang si Gloria'y tamaan. this i swear.