Nakakatawa to, Pramis.
Filipinos are reaping the rewards of the economic boom, they just don’t know it. (GMA)
Filipinos are reaping the rewards of the economic boom, they just don’t know it. (GMA)
O, sabi ko na sa inyo eh.
Anyway, tawa ako nang tawa noong Linggo habang nagbabasa ng diyaryo. Wala namang problema kung sadyang nakatatawa ang aking binabasa, pero hindi eh. Natawa ako dahil kay GMA, that’s right, my favorite person in the whole wide world infinity and beyond, at sa mga walang kuwentang bagay na kanyang pinagsasasabi. Mula sa isang artikulo ang sipi sa itaas. Ang kabuuan nito ay tumatalakay sa pagmamalaki ni GMA sa mga tagumpay umano ng kanyang pamamahala sa pamamagitan ng ilang economic indicator. Dagdag pa niya, nakikinabang ang lahat kahit pa hindi malay o hindi ito alam ng nakararami.
Anyway, tawa ako nang tawa noong Linggo habang nagbabasa ng diyaryo. Wala namang problema kung sadyang nakatatawa ang aking binabasa, pero hindi eh. Natawa ako dahil kay GMA, that’s right, my favorite person in the whole wide world infinity and beyond, at sa mga walang kuwentang bagay na kanyang pinagsasasabi. Mula sa isang artikulo ang sipi sa itaas. Ang kabuuan nito ay tumatalakay sa pagmamalaki ni GMA sa mga tagumpay umano ng kanyang pamamahala sa pamamagitan ng ilang economic indicator. Dagdag pa niya, nakikinabang ang lahat kahit pa hindi malay o hindi ito alam ng nakararami.
Gee, and I thought her predecessor was the dumb one.
Madame, wala ka nang ginagawang tama, pati sa mga sinasabi mo wala pa ring tama (sayang, kaninang madaling-araw sa “Saksi” may balitang ilang beses siyang na-“Wow Mali” sa isang roundtable discussion kaya lang di ko napanood). Halatang-halata sa mga ganitong pahayag na nananatiling malawak ang guwang sa pagitan ng mayaman at mahirap, ng pamahalaan at ng pinamamahalaan. Hoy, minsan samahan kitang mamasyal sa mga lugar na napupuntahan at pinagmamalasakitan mo lamang tuwing panahon ng pangangampanya o sa tuwing kailangan mo ng press release o mga larawang magpapatunay na may ginagawa kang mabuti. Maglibot tayo’t pakinggan ang hinaing ng amang umiiyak sa may Baseco Compound sa Tondo dahil umiiyak sa gutom ang kanyang labing-isang anak ngunit wala naman siyang maipakain; samahan natin ang mga nagbabatchoy sa Cubao pagkagat ng hatinggabi, makipagtunggalian tayo sa aso, ipis, daga sa paninimot sa tira-tira, tinga-tinga, ng iba mairaos lang ang gutom; samahan natin sa pamamasada ang mga pedicab/traysikad driver sa lugar namin, at pakinggan ang kanilang hinaing (maging ng kanilang kasu-kasuan) sa hirap ng pag-iikot maghapon kapalit ang kung magkanong barya na hinding-hindi naman sapat pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan; makisali tayo sa pagbabarikada ng mga naninirahan sa squatter’s area upang harangan ang demolition team na gigiba sa kanilang mga bahay kahit wala pang malinaw na plano ng relokasyon para sa kanila; pumila tayo sa mga botika at lihim na makinig sa panalanging laging kaakibat ng pagbili ng mga gamot na sa sobrang taas ng presyo mas nanaisin pa ng maysakit na mamatay na lamang upang matapos na ang paghihirap; mamalengke tayo kasama ng mga ginang na wala nang ginawa kundi tumawad at umiling dahil sa di-mapigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin; mag-ikot tayo sa init ng araw kasama ang mga magbobote, ang mga nangangalahig ng basura, ang mga naglalako ng kung ano-ano, ang mga batang naghihintay ng mapupunasang mga salamin ng kotse o sapatos ng mga pasahero; mag- sit in tayo sa mga klase sa pampublikong paaralan upang obserbahan ang mga estudyanteng nanghihina at tila walang nauunawaan dahil sa gutom, gayon na rin ang gurong mainit ang ulo at umaalingasaw sa pagka-required ang pagtuturo kaiisip kung paano pagkakasyahin ang maliit na sahod para sa pamilya at sa pinagkakautangan; makipaglaro tayo sa mga batang paslit sa lansangan at samahan silang magmeryenda kapag napagod na, upang marinig natin ang kanilang reklamo sa tumataas na presyo ng kanilang paboritong chichirya gaya ng Boy Bawang; mahirap na ngang abutin ang garapong pinaglalagyan, pati ba naman ang presyo mahirap na ring abutin? Matapos natin itong gawin, saka mo sabihin sa aming lahat ng Filipino (bukod sa mga may apelyidong “Macapagal,” “Arroyo,” Pidal,” at ang iba pang kamag-anak ng mga miyembro ng gabinete at Kongreso), nakikinabang sa pag-unlad ng ekonomiya.
Nakatatawang pansinin din na noong nakaraang linggo nagsimula ang paghahain ng certificate of candidacy sa tanggapan ng Comelec. Nagpista na naman ang mga news program ng iba’t ibang estasyon dahil sanlaksa ang mga "komedyanteng” dumagsa sa Comelec o nagpapansin, este, nagpa-press con pala, para ipahayag ang intensiyon nilang tumakbo sa halalan. Nariyan ang kargador, karpintero, mekaniko, o tuberong nangangarap maging Senador, ang propeta umanong third-world Santa Claus ang hitsura dahil sa kapal ng balbas ngunit may pangangatawang simpayat ng sa usa (at may kasama pang mga “anghel” complete with costume and cardboard wings, na umaalingasaw din sa pagka-required ang pagsama kay lolo), ang mga may sapi ng kung sinong santo, o ang Panginoon mismo, na naglalayong baguhin ang tadhana ng bansa, ang world famous na boksingerong pinag-iisipan kung tatakbo bilang Mayor o Congressman, at marami pang mga nakatatawang tauhan na nagbigay-aliw sa atin nang ilang minuto bago natin muling matunghayan ang mga balita tungkol sa tumataas na presyo ng bilihin at ng krudo, ang pagdami ng bilang ng mga walang trabaho at ng mga nagugutom, gayundin ang mga di-nagtitiwala sa mga opisyal ng pamahalaan, ang mga walang hanggan at walang kuwentang patayan, nakawan, rambulan, atbp.
Lahat tayo tumawa, tumatawa, humahagalpak sa katatawa, dahil mga siraulo sila, mga walang magawang matino sa buhay, mga buang, mga payaso. Pagdating naman mismo ng halalan, ang mga nailuluklok sa puwesto (by vote or by Garci) ang iyong mga TUNAY na siraulo, mga walang magawang matino sa buhay, mga buang, mga payaso. At sa pagkakataong iyon, hindi na sa atin ang huling halakhak.
Gloria, you’ve been pulling our leg for a long time now. Wait till we pull yours, in more ways than one…